SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Bayani ng Ukraine

Sakali mang magtagumpay si Zelensky laban sa Rusya, magiging malakas na impluwensiya siya at kabalikat ng Pilipinas sa pakikibaka ng mga Pilipino sa pananakop ng Tsina
Bayani ng Ukraine
Published on: 

Makasaysayan ang pagbisita ni Pangulong Volodymyr Zelensky ng Ukraine sa Pilipinas nitong Linggo at ang pag-uusap nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacanang nitong Lunes.

Mag-uusap sana ang dalawa sa pareho nilang dinaluhang defense forum sa Singapore noong nakaraang linggo ngunit hindi ito maisingit sa kani-kanilang schedule kaya minabuti na lamang ni Marcos na anyayahan si Zelensky na tumuloy sa Pilipinas para doon magkausap. Tama naman ang naging pasya ni Zelensky na tumuloy sa Maynila dahil isang oras lamang naman ang layo nito sa Singapore sa eruplano at pahiwatig ito ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Ukraine pati na ang kahalagahan ng kanyang pakay.

Kauna-unahang lider ng Ukraine na tumuntong sa Pilipinas si Zelensky at lalo pang naging mas makabuluhan ang pagdalaw niya dahil siya ang tanging lider na kasalukuyang nakikipaglaban sa superpower na Rusya upang mabawi ang mga teritoryo ng Ukraine na sinakop ng mga Ruso. Walang lider ng ibang superpower na bansa tulad ni Pangulong Joe Biden ang matapang na lumalaban sa agresyon ng de-nukleyar na Rusya kundi si Zelensky at dito makikita ang isang kakaibang personalidad na may matinding pag-ibig sa sariling bayan at tapang sa paglaban ng mga mananakop at pumapatay sa kanyang kababayan.

Hindi malayo ang pinagdaraanan nina Zelensky at Marcos na parehong inaabuso ng mga superpower. Kinakaharap ng Pilipinas ang Tsina na sinasakop ang mga isla at katubigang napapaloob sa teritoryo natin. Hindi malayong humantong sa gyera ang pamimilit ng Beijing at ni Xi Jinping na sakupin ang hindi sa kanila.

Sa kabila ng umiiral na pag-atake ng Rusya sa Ukraine, hangad pa rin ni Zelensky na magkaroon ng kapayapaan sa kanyang bansa at inaayos niya ang isang pagpupulong ng mga lider ng bansa kaugnay dito. Inanyayahan niya si Marcos na dumalo sa nasabing pulong na inaasahan niyang lilikha ng malakas na pressure sa Moscow upang itigil na nito ang pag-atake sa Ukraine, ibalik ang mga lupang sinakop nito at pagbayaran ang mga sinira at kinitil nilang buhay.

Sakali mang magtagumpay si Zelensky laban sa Rusya, magiging malakas na impluwensiya siya at kabalikat ng Pilipinas sa pakikibaka ng mga Pilipino sa pananakop ng Tsina.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph