
Nababanggit lamang ang lugar ng Homonhon sa leksyon sa kasaysayan. Ang isla sa Silangang Samar kasi ay makasaysayan bilang unang lugar sa Pilipinas na tinuntungan ng pamosong manlalakbay na si Ferdinand Magellan.
Sa Homonhon, noong Marso 16, 1521, dumaong ang tatlong barko ni Magellan na nagtatangkang unang makaikot ng bilog na mundo. Dumaong sila Magellan sa isla at doon kumuha ng pagkain at tubig para sa kanilang paglalakbay patungong Limasawa, Butuan at Mactan.
Minsan noong dekada otsenta ay nagkaroon ng patalastas sa telebisyon ang isang brand ng biskwit at ginamit ang eksena sa isang klase na tinatanong ng guro kung saan dumaong si Magellan. Hindi mabigkas-bigkas ng mga mag-aaral ang tamang pangalan ng isla hanggang sa kinaya ng isa na isigaw ang “Homonhon,” matapos makanguya ng biskwit.
Ngayon, pinag-uusapan muli ang isla dahil umano sa masamang kalagayan ng kalikasan nito na dulot ng deka-dekadang pagmimina roon ng nickel at chromite.
Tinutugunan na ng Department of Environment and Natural Resources ang isyu. Naglunsad ito ng grupo na aayos sa mga nasira at narumihang lupa at tubig sa isla. Hangad ng Task Force Homonhon (TFH) na maibalik ang dating buti at ganda ng isla, kasama na ang pamumuhay ng mga mamamayan roon.
Magkakaroon ng pagbisita sa isla upang masuri ang kalagayan ng Homonhon at maplano ang mga gagawing hakbang tungo sa pagtupad ng hangarin ng TFH. Kasama na sa plano ang pagbabalik at pagpapabuti ng mga lugar na bingungkal ng mga minero upang makakuha ng nickel at chromite na ginagamit sa pagpapatibay ng bakal at bilang sangkap sa mga smartphone.
Sa pagpupulong ng mga opisyal para sa pagpepreserba sa Homonhon, nakagugulat na walang imprastraktura ng kuryente at tubig sa isla dahil hinikayat ang mga minero na pondohon ang pagpapagawa nito.
Kung tunay ngang mapopondohan ang pagkakaroon ng kuryente at tubig sa mga kabahayan ng Homonhon, magandang bagay na nagkaroon ng usapin tungkol sa isla dahil bibigyang-daan nito ang pagpapabuti sa kalagayan at pamumuhay ng mga taga-Homonhon.
Sana ay mabilis na masimulan at tunay na matupad ang mga kaukulang gawain para sa makasaysayan at makabuluhang isla ng Homonhon.