
Nitong mga nakaraan ay naging usap-usapan ang mga balitang dumarami na umano ang mga Chinese students sa Cagayan province kung saan ay sinasabi ng ilan ay isa itong concern for national security.
Maging ang ilang mga opisyal ng pamahalaan ay nag-aalala na rin sa nagiging implikasyon ng pagdami umano ng mga Chinese students sa naturang probinsya at ang ilang mga mambabatas naman ay mayroon ring mga sariling haka-haka kaugnay nito.
Isa na rito si Surigao del Norte Second District Representative Robert “Ace” Barbers na nitong nakaraan ay nagsabing wala umanong masama sa pagdududa sa nangyayaring pagdami ng mga Chinese students sa Cagayan kung nakataya ang pambansang seguridad ng Pilipinas.
Ayon sa mambabatas, may dalawang EDCA sites o Enhanced Defense Cooperation Arrangement sa Cagayan – ang Naval Base Camilo Osias, Santa Ana, at Lal-lo Airport -- na nakaharap sa Taiwan at South China Sea.
Dagdag pa ni Barbers, maaari umanong maging espiya o yung mga tinatawag na “sleeper cells” ang mga Chinese students para mangalap ng impormasyon tungkol sa EDCA.
At ang ipinagtataka pa niya, ni hindi umano marunong magsalita ng Ingles ang mga ito pero nakakakuha umano ng masteral degree.
Inaalam din ng kongresista ang katotohanan sa nakalap niyang impormasyon na marami ring Chinese students sa mga unibersidad na malapit sa Subic.
May mga Chinese din umano na nakabili ng mga lupa, at nakakuha ng mga Philippine document gaya ng national IDs, pasaporte at lisensya para makakuha ng armas.
Ayon kay Barbers, kamakailan lang ay may mga armas na nakuha sa Chinese nationals sa isang residential subdivision sa Taguig City.
Samantala, sinabi rin ni Senador Ana Theresia “Risa” Hontiveros na maghahain siya ng resoluyson para imbestigahan ang pagdagsa ng mga Chinese student na posible umanong isa namang uri ng “pastillas scam.”
Sana nga ay malaman na kung ano talaga ang nasa likod ng mga pangyayaring ito, dahil nakakabahala na rin kung tutuusin lalo na at patuloy pa rin ang pagtaas ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.