
Totoo nga ang kasabihan na mahaba ang kamay ng batas. Kahit saang sulok magtago ang kriminal o pugante, matutunton at matutunton siya. At ayan na nga, natunton na ang mailap na mambabatas na pinaghihinalaang utak ng pagpapapatay ng isang gobernador at siyam na iba pa nitong nakalilipas na taon.
Huwebes nang arestuhin ang wanted na mambabatas sa Timor Leste, isang islang bansa sa silangan ng Indonesia na dating sakop ng Jakarta. Naglalaro siya ng golf sa Dili nang mahuli, ayon sa mga ulat. Indikasyon ito na kampante siya kahit pinaghahanap na ng mga ahente ng Interpol at National Bureau of Investigation.
Sa nagluluksa pa ring iniwang pamilya ng biktima, marahil nakakapanggigil na ang pinaniniwalaan nilang mastermind sa pamamaril ng kanilang padre de pamilya ay naglilibang habang umiiwas pusoy sa kasong isinampa nila laban sa kanya. Nakakapanggigil dahil habang sila’y nagtitiis sa kahihintay ng katarungan ay balewala lang ito sa suspect na nakuha pang maglaro ng golf.
Hinihintay ng NBI at Interpol na ma-deport ang suspect sa Timor Leste at maiuwi sa Pilipinas upang malitis at mapanagot sa karumal-dumal na pagpaslang sa 10 biktima.
Mahaba man ang kamay ng batas sa pagdakma sa mambabatas, inaasahang mahaba rin ang laban ng pami-pamilya ng mga biktima
Nasa kalahati pa lamang marahil sila ng paglalakbay para makamit ang inaasam-asam na katarungan at payapang pag-iisip.
Sa puntong ito, matindi pa rin ang hamon na kailangang harapin ng mga biktima. Kailangang mahusay at magaling ang abugado nila upang manalo sa kaso. Magiging trahedya sa pamilya kung matatalo sila sa kaso matapos ang pagsisikap na mahuli ang sinasabing salarin. Pag nagkataon at mapawalang-sala ang akusado, malamang ay makikita na naman siyang naglalaro ng golf upang maglibang o magsaya. Kung siya ay na-golf de gulat sa pagkakahuli sa kanya habang naglalaro ng golf, ang mga pamilya naman ng mga biktima ay mago-golpe de gulat din kung matalo sila sa korte.