SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Tuktok ng bundok

Tuktok ng bundok
Published on

Malinaw na may resort sa tabi ng isa sa 1,776 na Chocolate Hills sa Bohol.  Kitang-kita ang swimming pool at mga cottages sa video nito na lumabas sa social media.

Ang hindi malinaw ay bakit may resort doon kung ang burol ay isang protektadong lugar mula pa 1997. Ibig sabihin ay may restriksyon sa paggamit ng lupa doon, maging ng lahat ng iba pang Chocolate Hills, kahit pa ito’y pribadong pag-aari.

Hindi rin malinaw bakit inaprobahan ng Protected Area Management Board ang Environmental Compliance Certificate ng resort noong 2022 at 2023 na nagsilbing pahintulot upang maitayo ito.

Wala nang ECC, hindi rin accredited ng Department of Tourism ang nasabing resort, ayon sa ahensya.

Ang pamahalaang panlalawigan naman ng Bohol ay sinabihan ng ng DoT noong isang taon pa ang pagpatayo ng resort ay nakababahala ngunit hindi malinaw ang ginawang aksyon ng mga opisyal roon.

Matamis man ang pangalan ng Chocolate Hills ay mapait na katotohanan ang nangyaring tila paglapastangan sa dapat na pinangangalagaan.

Ngunit ang mga nabanggit na malinaw na kamalian ng pangyayari ay, ika nga, tip of the iceberg o tuktok pa lamang ng bundok. Hindi pa batid kung bakit pinayagan ang pagtatayo ng resort doon.

Nagpapahiwatig ang resort ng anomalya at malamang ay korapsyon na nangyari ngunit hindi nakita dahil dinaan sa ilalim ng lamesa. Malalaman na lamang kung sinu-sino ang mga taong nasa likod ng pagtatayo ng resort at dapat managot sa batas.

Bago ang isyu na ito, may mga ilan pang insidente ng pagtatayo ng resort sa mga lugar na bawal tayuan nito. Tila hindi na natuto ang mga tao at mga opisyal at inuulit pa. Kung wala pa ring mapapanagot dito sa Chocolate Hills resort, mayroon pa ring maglalakas loob na magtayo ng resort siguro sa loob ng underground river ng Palawan o sa tuktok ng Bundok Apo.

At kung palulusutin ang mga nasa likod ng resort, kailangang tanggapin ng tao na ang Chocolate Hills ay 1,775 na lamang dahil nabawasan na ng isa.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph