
Kahit malayo na ang buhay niya sa showbiz, talagang hindi naiaalis sa dating aktres na si Cristina Gonzales-Romualdez ang glitz at glitter dahil ngayon ay sasabak siya sa isang beauty pageant sa coronation program ng Respect: Noble Queen of the Universe sa Japan.
Ang kapwa niya artistang si Patricia Javier ang humikayat sa kaniyang sumabak sa isang larangang ni sa hinagap ay hindi niya napagtantong papasukin at ayon sa dating Tacloban City mayor, isa itong bagong experience para sa kanya.
"I never experienced joining pageants before, talagang acting and singing and dancing, iyon talaga ang gusto ko. And Patricia, being Noble Queen 2019, who is also my friend, she was the one who really encouraged me. Actually last year pa. Sabi ko huwag muna kasi may pandemic pa," sabi ni Cristina.
Kung matatandaan, kinoronahan bilang Noble Queen of the Universe si Patricia sa unang pagtatanghal ng patimpalak noong 2019. Kalaunan, itinalaga siya ni Noble Queen of the Universe Ltd. Inc. (NQULI) founder Eren Noche bilang national director para sa Pilipinas, at international director na rin ng buong patimpalak.
Sinabi ni Cristina na nakita niya ang advocacy ng NQULI at nakitang tugma ito sa charity work niya sa Tacloban City, una bilang councilwoman, at kalaunan bilang alkalde.
"It would be nice to join a group of women who have the same advocacy na ginagawa ko rin. So lalo akong gaganahan kasi may group kami. Lalo kang gaganahan kasi we'll be doing it as a team. So doon ako na-convince," sabi ng dating aktres.
Itatanghal ang coronation program ng Respect: Noble Queen of the Universe sa Tokyo Prince Hotel sa Tokyo, Japan, sa Disyembre 29. Sinala na ng organisasyon ang mga kalahok sa Top 8 na siyang sasabak sa huling yugto ng pagpili, at lahat sila makatatanggap ng international titles.
"Whatever crown I receive, gagawin ko siya as parang a way na i-continue ang advocacy na ginagawa ko noon," sabi pa ni Cristina at dagdag niya, umaasa siyang mapalalawig pa ang advocacy work niya para sa mga babae at bata na gumugulong pa rin sa Tacloban City sa kasalukuyan.