
Inihayag ng kampo ni dating senador at world boxing champion Manny Pacquiao na wala siyang nakikitang mali sa ginawa noon ng retired boxing referee na si Carlos Padilla sa laban nila ni Nedal Hussein noong taong 2000.
Sa isang pahayag, sinabi ni Padilla na gumawa siya ng paraan upang masiguro ang panalo ni Pacquiao at ayon pa sa dating referee ay sa isang punto ng laban, na-head butt pa raw ni Pacquiao si Hussein na dahilan para masugatan sa mukha ang Australyano. Pero sa halip na sabihing head butt ang nangyari, idineklara ni Padilla na lehitimong suntok mula kay Pacquiao ang sanhi ng pagputok ng sugat.
"If there is a butt, you stop [and tell] the judges 'headbutt, headbutt!'. That's a point deduction but if you don't do that the fight continues meaning to say it's a good clean punch," giit pa ni Padilla.
Umabot sa Round 10 ang laban at nanalo si Pacquiao via technical knockout batay sa score cards ng mga judges mula Australia at Korea dahil sa tinamong sugat ni Hussein.
Ayon kay Pacquiao, muli niyang pinanood ang video ng laban nila ni Hussein, at sa tingin niya ay tama naman ang ginawa ni Padilla nang mapabagsak siya ni Hussein at naniniwala siya na tama rin ginawa ni Padilla na kunin ang atensiyon ni Hussein nang sandaling iyon dahil hindi ito nakikinig sa referee.
"Si Nadal Hussein, ayaw niyang makinig. Ayaw niyang makinig sa referee 'dun siya nakapokus sa akin, nakatingin siya sa akin. So, karapatan ng referee talaga na kunin ang atensyon ng isang boksingero para makinig sa kanya," paliwanag ni Pacquiao.
Nang tanungin kung tama ba [mabilis o mabagal]ang ginawang pagbilang ni Padilla sa kaniya, sinabi ni Pacquiao, "Hindi ko lang alam 'yung count niya kung tama ba 'yun, may video naman 'yan. May replay naman 'yan. So, I'm just doing my part as a boxer and sa tingin ko okay naman ang ginawa niya."
Ayon pa sa Pinoy boxing icon, mapapanood naman sa internet ang video ng naturang laban at hindi maitatago kung ano talaga ang nangyari.
"Tama naman ang ginawa ng referee. I don't know kung bakit siya nagsalita ng ganon," ani Pacquiao.
Nanindigan din si Pacquiao na uppercut niya at hindi head butt ang dahilan ng pagkakaroon ni Hussein ng sugat sa mukha.
Sa hirit ni Hussein na ideklarang no contest ang naging kanilang laban, naniniwala si Pacquiao na malabo na raw itong mangyari.
Ayon naman kay Quinito Henson, na nagsilbing sports analyst sa naturang laban, wala siyang naalalang head butt na nangyari.
Pero naging duguan umano ang mukha ni Hussein sa naturang bakbakan ng dalawa. At kahit ipinatigil umano ang laban dahil sa insidente bunga ng pagdurugo ng mukha ni Hessein, panalo pa rin sa iskor si Pacquaio.
"All three judges had Pacquiao winning at the point of stoppage. At that point even if it was stopped because of a cut due to a head butt panalo pa rin si Manny because he was ahead in the judges score cards either way Manny deserved to win that fight," paliwanag ni Henson.