MINIMUM WAGE, ITAAS SA P33K!

File photo.

Ipinanawagan ng isang grupo ng mga manggagawa sa gobyerno ang pagtaas sa national minimum wage sa P33,000.

Ayon kay Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) national president Santiago Dasmarinas Jr., hirap na silang pagkasyahin ang sahod dahil sa mahal ng bilihin, pasahe at bills ngayon.

Kung pagbabasehan umano ang pag-aaral ng non-government organization na IBON Foundation, aabot na dapat sa P1,119 kada araw ang family living wage para sa pamilya na may limang miyembro.

Dagdag pa niya, ang nabanggit na kalkulasyon ay noong Setyembre pa, kung kailan mas mabagal pa ang inflation o pataas ng presyo ng bilihin at serbisyo.

“Noong nakaraang buwan, umabot na ng 7.7 percent ang inflation rate samantalang ‘yong sweldo ng mga kawani ng gobyerno, lalong-lalo ng nasa mababang posisyon, ay mababa pa rin,” sabi ni Santiago.
“Kaya po ang aming panawagan: across the bureaucracy, dapat pantay-pantay lahat,” dagdag niya.

Sa ngayon, P12,517 ang suweldo ng pinakamababang puwesto sa gobyerno at mas mababa pa aniya para sa mga nasa lokal na pamahalaan.

Nanawagan din ang Courage na i-regular na ang mga kontraktuwal na manggagawa.

Samantala, mataas pa pa rin ang presyo ng asukal sa mga pamilihan gaya sa Mega Q Mart Sa Quezon City, kung saan pumapalo na sa 105 pesos ang kilo ng refined o white sugar. Ang brown at washed sugar nasa 85 pesos pa rin ang kilo.

Ayon sa mga nagtitinda hindi pa bumababa ang presyo ng mga supplier nila at pinapangambahan pa nga na tataas pa ang presyo nito dahil may abiso na sa kanila na muling magdadagdag ang presyo.

Aminado ang mga nagtitinda ng asukal na marami na sa kanilang costumer ang nagrereklamo sa mataas na presyo.

Ilan sa mga apektado ang mga nagtitinda ng mga pang meryenda na ginagamitan nang asukal.

Tumumal na ayon sa kanila ang bentahan ng mga pang sahog gaya ng saba, kamote langka at macapuno.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial