Paigtingin ang suporta

Hindi maikakailang likas na sa mga Pinoy ang katalinuhan at kahit hindi masyadong nababalita ay marami pa rin sa mga Pilipino ang nangangarap maging siyentipiko at mga researcher upang maisulong ang pag-unlad ng bansa.

At kahit marami ang nangangarap at nagiging siyentipiko sa bansa, hindi ito napapansin ng publiko dahil na rin sa kakulangan sa suporta at pondo mula sa pamahalaan.

Pero ngayon, mukhang magbabago na ng ihip ng hangin para sa mga Pinoy scientists at researchers sa bansa dahil nangako na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paiigtingin niya ang suporta para sa mga Filipino scientists at researchers.

Kasabay ng pangako ng Pangulo ang panawagan niya sa mga siyentipiko sa bansa na manatili sa Pilipinas para matulungan ang bansa at maibahagi ang kaalaman sa mga kabataan.

“I encourage our Filipino scientist researchers, inventors and innovators to continue sharing your expertise especially to young people… I urge you to stay in your country as you pursue your career,” saad ni Marcos sa talumpati sa pagsisimula ng National Science and Technology Week sa World Trade Center.

“We will continue to support you and we will continue to be active partners in the government,” dagdag pa ni Marcos.

Para sa Pangulo, malaki ang papel ng science at technology para matiyak ang kinabukasan ng bansa sa kabila ng mga pagsubok sa mundo gaya ng climate change.

“It affects everything and everyone. And so once again, we look to science, we look to new technologies, we look to engineers to find us the solutions to mitigate, to adapt our very vulnerable country to the effects of climate change,” saad ni Marcos.

Ipinag-utos naman ni Marcos sa Department of Science and Technology (DoST) ang paglalaan ng malaking pondo para suportahan ang research and development sa bansa pati ang pagpapalawig ng mga scholarship program sa STEM o science, technology, engineering and mathematics strand.

Isang magandang hakbang ang sinimulan ng Pangulo, pero sana ay hindi mapako ang pangakong ito.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial