5th EDDYS ng SPEEd, may pasabog

Kanya-kanya nang hula ang mga fans at netizens kung sinu-sino ang magwawagi sa 5th The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).

Ang ikalimang edisyon ng The EDDYS ay magaganap sa November 27 sa Metropolitan Theater (MET) sa direksyon ng OPM icon at award-winning singer-songwriter na si Ice Seguerra.

Magsisilbing host naman ng pinakaaabangang awards night ang talent manager at premyadong TV personality na si Boy Abunda.

Bukod sa announcement ng pinakamagagaling sa larangan ng paggawa ng pelikula noong 2021, kailangang abangan din sa ika-5 edisyon ng The EDDYS ang inihandang pasabog na performances nina Ice Seguerra, Jonalyn Viray, Zephanie at Miss Regine Tolentino kasama ang Dance Royalties.

Nauna nang inihayag ng SPEEd ang mga nominado para sa iba’t ibang kategorya ng 5th The EDDYS.

Maglalaban-laban para sa Best Film ang “Arisaka” (Ten17 Productions), “Big Night,” (IdeaFirst Company) “Dito at Doon”, (TBA Studios); “Kun Maupay Man It Panahon” (Black Sheep, Globe Studios, Dreamscape Entertainment), at “On The Job: The Missing 8” (Reality Entertainment).

Nominado naman sa kategoryang Best Director sina Erik Matti (On the Job: The Missing 8); Mikhail Red (Arisaka); Jun Lana (Big Night); Carlo Francis Manatad (Kun Maupay Man it Panahon); at JP Habac (Dito at Doon).

Sa pagka-Best Actress category, magsasalpukan sina Janine Gutierrez (Dito at Doon); Kim Molina (Ang Babaeng Walang Pakiramdam); Maja Salvador (Arisaka); Charo Santos (Kun Maupay Man It Panahon); at Alessandra de Rossi (My Amanda).

Sino naman kaya ang tatanghaling pinakamagaling na aktor sa 5th The EDDYS mula sa mga nominadong sina John Arcilla (On The Job: The Missing 8); Christian Bables (Big Night); Dingdong Dantes (A Hard Day); Daniel Padilla (Kun Maupay Man It Panahon); at Piolo Pascual (My Amanda)?

Para sa Best Supporting Actress category nominado sina Janice de Belen (Big Night); Lotlot de Leon (On The Job: The Missing 8); Eugene Domingo (Big Night); Elizabeth Oropesa (Huwag Kang Lalabas); at Rans Rifol (Kun Maupay Man It Panahon).

Ang 5th The EDDYS Icon honorees ay sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, Phillip Salvador at Roi Vinzon. Kasama rin sa bibigyang-parangal ang mga de-kalibreng aktres na sina Helen Gamboa, Divina Valencia, Elizabeth Oropesa, Sharon Cuneta, Alma Moreno.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial