Pulis na dawit sa Arnaiz-De Guzman case, guilty!

Hinatulan na ng Caloocan Regional Trial Court ng guilty sa torture at pagtatanim ng ebidensya ang pulis na dawit sa pagpatay sa mga kabataang sina Carl Arnaiz at Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman noong kasagsagan ng war on drugs sa nakaraang administrasyon.

Sa desisyong inilabas ng Public Attorney’s Office nitong 23 November, ipinataw ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 122 na “Guilty beyond reasonable doubt” si Patrolman Jeffrey Perez sa lahat ng krimeng isinampa laban sa kanya.

Nilabag umano ni Perez ang Section 4 at 14 ng RA 9745 o ang Anti-Torture Act of 2009 sa mga biktimang sina Arnaiz at de Guzman.

Hinatulan din na nagkasala si Perez sa pagtatanim ng ebidensya sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa kaso ni Arnaiz.

Reclusion perpetua o hanggang 40 years na pagkabilanggo ang kaparusahang ipinataw ni Presiding Judge Rodrigo Pascua Jr. kay Perez para sa pagpapahirap kay De Guzman at pagtatanim ng ebidensya sa kaso ni Arnaiz.

Inatasan din ng korte si Perez na bayaran ang pamilya nina Arnaiz at de Guzman ng moral damages na P1 million, at exemplary damages na P1 million, o kabuuang P2 million kada tagapagmana ng mga biktima.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial