DMW, nagbabala laban sa scammers

OFWs being helped by and awaiting instructions from the DMW-DFA composite team (Photo courtesy of the Department of Migrant Workers)

Nagbabala ang Department of Migrant Workers sa publiko nitong nakaraan laban sa mga scammers na maaari umanong mambikitma ng mga overseas Filipino workers matapos mangako ang pamahalaan ng Saudi Arabia na babayaran nila ang backwages ng mga OFW na nawalan ng trabaho sa kanilang bansa noong 2015-2016.

Ayon kay DMW Secretary Susan Ople, dapat umanong iwasan ng mga OFW na makakakuha ng backwages ang mga taong magpapanggap at magpapakilalang mga “middleman” at mangangakong mapapabilis ang proseso ng kanilang hinahabol na sahod at mga hindi nabayarang benepisyo sa KSA.

Dagdag pa ng kalihim, ipaparating nila agad ang mga ganitong insidente sa mga otoridad at isusuplong ang mga taong magpapakilalang middleman na nakapasok na umano sa mga chat group ng mga claimant.

“Maawa po sana yung mga gagawa niyan,” sabi pa ni Ople.

Una nang iniulat na sasagutin ng gobyerno ng Saudi Arabia ang mga hindi nabayarang sahod at benepisyo ng mga dating OFW na nawalan ng trabaho noon mula 2015 hanggang 2016 matapos mabangkarote ang mga pinasukan nilang mga kompanya sa nasabing bansa sa Middle East.

Kasunod ito ng bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Saudi Crown Prince Mohammed Salman sa sideline ng Asia-Pacific Economic Cooperation Summit sa Thailand noong nakaraang linggo.

Maglalaan umano ang Saudi Arabia ng 2 billion rials para mabayaran ang nasa 10,000 OFWs.

“The DMW is willing to send a team to the Kingdom of Saudi Arabia if this will hasten the process of consultations,” saad ni Ople.

Gayunman, sinabi ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac, na pag-uusapan pa lang kung paano at kailan sisimulan ang proseso ng pagbabayad.

“Who will be on the list, I think that will be one of the topics of discussion with the Saudi side,” sabi ni Cacdac.

Samantala, pinaalala ng DMW na sila ang mag-aanunsiyo kung kailan at ano ang mga rekisito na kailangang ihanda ng mga OFW na claimant.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial