WALA NANG TAAS-PASAHE!

Inihayag ng Department of Transportation (DoTr) na hindi na umano magtataas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan hanggang matapos ang 2022 at huli na umano ang inaprubahang taas-pasahe sa maraming public utility vehicle noong Setyembre.

“Ngayong holiday season, mas mabuti na hindi na muna tayo magtaas ng pamasahe para madagdagan naman ang pang-shopping ng ating mga pasahero,” saad ni Transport Secretary Jaime Bautista.

Ayon pa sa kalihim, pinag-aaralan din umano ng DoTr kung sapat o kailangan pang magdagdag ng PUV dahil matapos ang dalawang taon, ngayon lang ulit inaasahan na ang mga pasahero ay magsisidagsaan sa mga pampublikong lugar para sa Pasko.

Samantala, kaugnay sa idinadaing ng ilang pasahero na mataas na pasahe sa transport network vehicle services, ipinaliwanag ng kompanyang Grab na posibleng dahil ito sa tinatawag na “surge rate.”

Ang surge rate ay dagdag-singil kapag marami ang nangangailangan ng masasakyan pero kaunti ang supply ng sasakyan o pahirapang makahanp ng masaskayan. Ito rin ang dagdag-singil kapag rush hour.

Hanggang “times two” na surge ang kasalukuyang pinapayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Wala pong pagtaas sa pasahe ng Grab. Our fares are fully regulated by the LTFRB at fully compliant with the existing fare matrix,” saad ni EJ dela Vega, head of mobility ng Grab Philippines.

Kung matatandaan, inaprubahan ng LTFRB ang hirit na taas-pasahe ng mga pampublikong transportasyon sa bansa gaya ng tradisyonal na jeepney, modern jeep, public utility buses, taxi at TNVS.

Sa desisyon ng LTFRB na may petsang Setyembre 16, aprubado na ang P1 fare hike sa traditional na jeepney at modern jeepney para sa unang 4 na kilometro ng biyahe.

Dahil dito, magiging P12 na ang kasalakuyang P11 na minimum fare sa traditional jeepney habang magiging P14 naman ang minimum fare sa modern jeepney mula sa P13 sa unang 4 na kilometro ng biyahe.

Magkakaroon din ng P0.30 na taas sa pasahe sa mga susunod na kilometro ng biyahe para sa mga traditional jeep habang P0.40 naman sa bawat susunod na kilometrong biyahe ng modern jeep.

Sinabi ni LTFRB chairperson Cheloy Garafil na hindi naman naitago sa publiko ang pangangailangan sa taas-pasahe sa mga pampublikong transportasyon dahil na rin sa serye ng oil price hike.

“As per the previous announcement, hindi naman ito natago sa inyo talagang we recognize the need to raise the fare. Talagang binalanse lang namin siya,” sabi ni Garafil sa isang naunang pahayag.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial