Lalaki nasunog kasama ng sasakyan

Halos hindi na makilala nang matagpuan ang isang lalaking natupok kasama ng kanyang Pajerong natagpuang nasusunog sa isang kanto sa Roxas City, Capiz, Lunes ng umaga.

Sa initial report ng Roxas Police, natagpuan ang naturang Mitsubishi Pajero (XAM 778) na nagliliyab sa kanto ng Mabini St., at Mejorada St., Brgy. Inzo Arnaldo Village.

Agad na inireport ng mga nakakita nito sa kanilang barangay ang insidente. Nang puntahan na nga ng mga awtoridad ay doon na nakita sa loob ng nag-a-apoy pa ring sasakyan ang katawan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na kasamang nasusunog.

Ayon sa barangay, bago ang insidente ay umalingawngaw umano sa lugar ang sunod-sunod na putok ng baril at nagulat na nga lamang sila nang makitang may nagliliyab nang sasakyan sa lugar.

Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kung saan ay pahirapan na matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima dahil sa malalang pagkakasunog na inabot ng mukha at buong katawan nito.

Napag-alaman din na ang sasakyan ay pagma-mayari ng pamilya Fria na taga nasabi ring lugar, na nabili umano noong nakaraan taon sa isang barangay kagawad sa lugar.

Kinumpirma naman ng nasabing pamilya na ang alam nilang nagmamaneho lamang ng sasakyan ay ang kaanak na si John Arana Fria (27), binata, ng Brgy. Pinamalatican, Sigma, Capiz, at pansamantalang naninirahan sa San Roque St, Roxas City.

Ang tiyuhin umano ni John ang talagang nakabili ng Pajero na ngayon ay nasa Sweden pa.

Samantala, kasalukuyang hinihintay pa ang resulta ng post mortem examination sa bangkay upang malaman ang tunay nitong pagkakakilanlan.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial