Maging mapagmatyag

Ngayong halos isang buwan na lang bago ang Pasko, siguradong abala na ang lahat na maglagay ng kanya-kanyang mga dekorasyon upang ipagdiwang ang Kapaskuhan.

Siyempre, hindi mawawala ang mga Christmas lights sa mga dekorasyon na siya naman talagang nagpapaliwanag sa mga kabahayan at nagpapakalay ng ika nga ay “spirit of Christmas.”

Pero kasabay nito, hindi pa rin dapat mawala ang pag-iingat, dahil hindi natin alam kung kailan magkakaroon ng sakuna, gaya ng sunog.

Kaya naman nagpaalala ang Bureau of Fire and Protection na maging mapagmatiyag at alerto ngayong paparating na ang Pasko dahil nitong nakaraang linggo lamang sa Metro Manila, walo ang namatay at daan-daang pamilya ang nawalan ng tirahan sa magkakahiwalay na sunog sa Navotas, Maynila, at Las Piñas.

“Ayaw na po sana naming mangyari sa sunog po kami nag Pasko. Huwag naman po sana mangyari ngayong taon ito. Ang kalimitan kasing pinagmumulan ng sunog ngayong kapaskuhan ay itong mga electrical fire. So mga Christmas light natin ingatan, siguraduhing hindi magiging mitsa o ‘yong pinagmumulan ng sunog,” saad ni SFO1 Arlan Ambas ng Bureau of Fire Protection central office.

Noon pa itinutulak ng mga awtoridad ang pagkakaroon ng mga standard sa pamimili ng Christmas lights, na kalimita’y nagdudulot ng sunog kung panget ang kalidad.

Kamakailan, nagsagawa ng fire safety training ang Bureau of Fire Protection at isang non-government organization mula Taiwan.

Kabilang sa sumabak ang residenteng si Ernesto Pidot Jr, na tatlong beses nang nasunugan.

“‘Yong sa mga anak ko naman po. ‘yong unang sunog maliliit pa, hindi nila alam noon. Ngayon mayroon na silang leksyon na hindi dapat mataranta, hindi dapat mangamba, bagkus dapat mag-concentrate, mag-focus,” sabi ni Pidot.

Sa safety training, pinatibay din ng konkreto ang ilang fire-prone na bahay, at bumuo na rin sila ng community patrol ng mga residente na sinasanay sa first aid at pagresponde sa apoy.

Kaya sa ating mga kababayan, kailangang maging mapagmatyag at maging maingat lalo na sa mga sunog.

Sabi nga nila, mas maigi pa ang manakawan kaysa masunugan.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial