Patay kay sweet lover, wife beater

Patay ang isang babaeng walang habas na pinagsasaksak ng kanyang kinakasama sa araw ng binyag ng kanilang anak nitong Martes sa Cagayan.

Kinilala ni PCapt. Joel Labasan, hepe ng Allacapan Police, ang biktimang si Carissa Almazan, 25; ang suspek, Nelson Villacillo, 31.

Alas-11:30 ng gabi nang naganap ang insidente sa bahay ng suspek. Napagalamang ilang araw bago ito, ay umuwi sa kanyang mga magulang ang biktima dahil sa nais na umano nitong iwanan ang suspek at sinasaktan umano siya nito.

Ngunit pinakiusapan siya ng suspek na bumalik lalo na at bibinyagan ang kanilang anak na babae na sabay pa sa 1st birthday nito.

Napapayag naman ang biktima at nakipagbalikan nga hanggang sa birthday at binyag ng kanilang anak.

Pagkatapos ng celebration ay nagkainuman na hanggang sa malasing ang suspek at walang ano-ano’y awayin ang kinakasama pagkaalis ng mga bisita.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang away hanggang sa kunin na ng suspek ang isang anim na pulgadang kutsilyong iniunday sa biktima.

Bagama’t tadtad na ng tama ng saksak ay nagawa pang matakasan ng biktima ang suspek at mabilis na umuwi sa kanyang mga magulang na malapit din lang sa lugar. Humingi ito ng tulong kung saan ay naikwento pa nito ang nangyari bago pa man tuluyang mawalan ng buhay.

Mahaharap sa kasong pagpatay ang suspek na ngayo’y subject ng isang manhunt operation.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial