Pagbabago sa alert level system irerekomenda

Tribune photo by Joey Sanchez Mendoza

Inihayag ng Department of Health (DoH) na plano na nitong irekomenda ang ilang pagbabago sa alert level system patungkol sa pandemya at ang mga nakasanayang restrictions nito.

Sinabi ni DoH officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, irerekomenda na ng DoH sa Inter-Agency Task Force na paghiwalayin na ang alert level system at ang mga restriction na kaakibat nito.

“Ibig sabihin dapat ang alert level, ginagamit na lang natin para masabi kung ano ‘yung risk level ng lugar. Parang storm signal na lang. Pero tatanggalin na natin kung ano ang restrictions dahil alam naman natin hindi na siya appropriate at this point,” saad ni Vergeire.

Nagpapatuloy sa ngayon ang pababang trend ng Covid-19 cases sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.

Pero paalala ni Vergeire, patuloy na makakapagtala ng kaso ng COVID-19 ang Pilipinas kahit hindi na gaya ng dati na kinatatakutan ito lalo’t maraming paraan para maiwasan ang sakit gaya ng pagpapabakuna.

Patuloy ding inirerekomenda ng ahensiya ang pagsusuot ng face mask lalo na sa vulnerable population at ang mga balak mangaroling ngayong paparating na ang Pasko.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial