Hindi dapat ikalungkot

Inanunsyo ng pamunuan ng Quiapo Church na kanseladong mula ang Traslacion sa ikatlong sunod na taon upang maiwasan umano ang pagkalat ng coronavirus disease na nakakapagtala na naman ng ilang mga pagtaas sa kaso nitong nakaraan.

Sinabi ng simbahan na iniiwasan lamang nila na maging isang super-spreader event ang Traslacion at kaagad na humingi nang pang-unawa ang mga ito sa mga deboto.

Nitong Biyernes ng alas 3 ng umaga, isinakay sa truck ang replika ng Itim na Nazareno para ibiyahe papunta sa isang simabahan sa Nueva Ecija at doon ito manatili ng isang linggo.

Ang Traslacion ay ang tanyag na prusisyon kung saan dinadala ang imahe ng Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand na parang dinadala ng alon ng dagat na milyon-milyong mga deboto pabalik sa simbahan ng Quiapo, Maynila.

Bago ang pandemya, ginaganap ito taun-taon tuwing January 9.

Ayon sa attached priest ng Quiapo Church na si Rev. Fr. Earl Allyson Valdez, bagama’t wala pa ring tradisyonal na prusisyon, tuloy pa rin naman ang pagbibigay pugay sa itim na Nazareno sa Quirino Grandstand, panggabing programa, misa ng kapistahan, at iba pang nakagawiang aktibidad kaugnay dito.

Ipinaalala din ng simbahan na may iba pang paraan para maipakita ang debosyon hindi lamang sa prusisyon.

Sa ganang amin, hindi naman dapat ikalungkot kung kanseladong muli ang Traslacion.

Mas mahalaga pa rin ang kaligtasan ng lahat dahil hindi pa rin natatapos ang banta ng pandemya bagama’t nagkaroon na nang pagluluwag sa mga health at safety protocols, gaya nang pagsusuot ng mask.

Para sa kabutihan pa rin naman ito ng lahat.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial