Pagawaan ng paputok, sumabog

Photo by Analy Labor
Photo by Analy Labor
Published on

Isang pagawaan ng paputok sa isang residential area sa Barangay Pulong Buhangin sa Santa Maria, Bulacan ang sumabog nitong Huwebes na nagdulot ng damage sa mga kabahayan at sumugat sa sampung katao.

Ayon sa isang residente, dalawa umano sa pagsabog ang mayroong malakas na "shockwave" at sa mga nasugatan, isa ang nagtamo ng third degree burn sa buong katawan.

Napinsala naman ang ilang bahay sa lugar, at naapektuhan ang klase sa isang paaralan.

Gawaan umano ng paputok at imbakan ng mga sangkap sa paggawa ng paputok ang compound na pinangyarihan ng pagsabog.

Ayon naman kay Bureau of Fire Protection-Region 3 public information officer Fire Captain Arvin Catipon, lumilitaw sa paunang imbestigasyon na hinihinalang nagsimula ang sunog sa nagbabarena sa lugar.

"Sa initial investigation natin ay isa sa trabahador ay nagbabarena sa area at nag-cause ng spark. Tapos nataranta ata siya kaya naitapon mismo ang drill doon kung nasaan nakalagay 'yung mga paputok," saad ni Catipon.

Sinabi naman ng isang trabahador sa pagawaan na si Teofila Horfilla na nagsisimula pa lang siyang magkarga ng pulbura sa ginagawang 3-star na paputok nang makarinig sila ng pagsabog sa ibabang bahagi ng compound, at kaagad na silang tumakbo.

Nagmula raw ang pagsabog sa mga nagkakarga ng kuwitis na posible raw na nagsindi habang ikinakarga.

Samantala, sinabi ni Santa Maria Bulacan Police chief Police Lieutenant Colonel Christian Alucod, sadyang malayo ang aabutin ng pinsala kapag marami ang nakaimbak na paputok.

"Kapag ganon karami 'yung nakaimbak, kahit anong layo niyan aabutin talaga. Katunayan, dito sa kabilang compound, nandito na 'yung may mga bahay, nakikita ko rito may mga pakete pa rin dito ng mga paputok eh," sabi ni Alucod.

Kasamang aalamin sa isasagawang imbestigasyon ay kung may ang business permit ng pagawaan.

"Kanina, 'yung taga-Public Information Office ng Santa Maria, Bulacan ay binanggit niya na noon may permit. So ngayon, ibe-verify pa nila, ang alam nila noon may permit ito," dagdag ni Alucod.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph