Tumaas na umao ang presyo ng mga bulaklak sa Dangwa flower market sa Maynila at ayon sa mga tindera, habang mas palapit ang Undas, pamahal nang pamahal ang presyo ng mga bulaklak.
Paliwanag nila, mas tumaas din kasi ang presyo mula sa mga nagbabagsak sa kanilang mga supplier.
Nasa P50 hanggang P100 ang nadagdag sa presyo ng ilang mga bulaklak, tulad ng Malaysian mums at orchids na mabili tuwing Araw ng mga Patay at bahagya ring tumaas ang presyo ng imported na mga bulaklak na nakadepende na rin sa suplay na darating sa kanila.
Samantala, sa kandila naman, hindi pa gumagalaw ang presyo nito.
Nasa P55 ang 10 pirasong maliit na vigil candle, P65 ang anim na pirasong medium candle, at naglalaro naman sa P185 hanggang P365 ang kandilang mga nasa baso.
Iba-iba naman ang gimik ng mga Kapamilya tindera, dahil hindi na lang fresh at dried flowers ang kanilang nilalako,
Mayroon na ring tropical arrangement na uso raw kaya naman ito ang kanilang ibinibida. Nagkakahalaga ito ng P1,000 hanggang P1,500.
Ayon sa mga tindera, mas mainam pa ring bumili ng maaga dahil bukod sa mas mura ang mga bulaklak, tumatagal naman ng apat hanggang limang araw ang buhay ng mga ito.
At sa pagluluwag ng health protocols kahit patuloy na nasa pandemya, umaasa ang mga tindero at tindera ng bulaklak na makakaahon sila mula sa matinding epekto sa kanilang negosyo sa kasagsagan ng COVID-19.