Inanunsyo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na bawal muna umanong mag-ani, magbenta, bumili at kumain ng mga shellfish mula sa karagatan ng bayan ng Milagros, Mabaste dahil positibo ang mga ito sa red tide toxin.
Sinabi ng BFAR na lumabas sa pagsusuri na sumobra sa regulatory limit ang toxicity level ng Paralytic Shellfish Poison (PSP) sa dagat.
"PSP toxin level in shellfish samples collected from the said area is 60.99 – 127.06 pgSTXeq/100g of shellfish meat," saad ng BFAR Shellfish Bulletin 20.
"Thus, to avoid PSP, the public is advised to refrain from eating, gathering or harvesting, transporting and marketing shellfish from coastal waters of Milagros in Masbate until such time that the shellfish toxicity level has gone down below the regulatory limit of 60 pgSTXeq/100g of shellfish meat," dagdag pa nito.
Pinapayagan naman ng BFAR ang paghuli sa mga isda sa karagatan ng Milagros, pero nagpaalala na kailangang maayos itong nilinis at niluto at nakipag-ugnayan na rin ang ahensya sa lokal na pamahalaan ng Milagros upang matiyak ang kaligtasan ng publiko laban sa red tide.
Noong Huwebes, naglabas ng local red tide warning ang BFAR-Bicol matapos maitala ang mataas na red tide toxicity level sa Sorsogon Bay.
Agad itong binawi ng ahensiya Biyernes, matapos na magnegatibo sa red tide toxin ang mga shellfish mula rito, na isinalang sa confirmatory test ng BFAR-National Fisheries Laboratory Division.
Ayon pa sa BFAR, bukod sa Milagros, apektado rin ng red tide ang mga shellfish sa Sapian Bay, karagatan ng Roxas City, Panay, President Roxas, at Pilar sa Capiz, karagatan ng Dauis at Tagbilaran City sa Bohol, Matarinao Bay sa Eastern Samar, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur at Lianga Bay sa Surigao del Sur.