Wala pang Pinoy na naapektuhan kay ‘Ian’

Wala pang Pinoy na  naapektuhan kay ‘Ian’

Inihayag ng Philippine Embassy sa Washington, DC na wala pa umanong naiulat na Pilipino na naapektuhan ng Hurricane Ian sa Florida kahit pa naging malawak ang iniwang pinsala ng Hurricane Ian sa southwest Florida nang mag-landfall ito noong Miyerkoles ng hapon sa Amerika.

Umabot sa 31 katao na ang naiulat na namatay habang patuloy pa ang search and rescue operation sa mga lugar na lubhang tinamaan ni Hurricane Ian.

Ayon kay Vice Consul Mark Dominic Lim ng Philippine Embassy sa Washington, DC na wala pa silang natatanggap na report kung may mga Pinoy na nangangailangan ng tulong sa ngayon.

Wala rin daw ulat na casualty sa mga Pinoy doon.

"No reports of Filipinos needing assistance and No Casualty reported," sabi ni Lim.

Pero masusi pa rin daw na mino-monitor ng embahada ang sitwasyon ng mahigit 167,000 na Pinoy na nakatira sa Florida.

Sa 5:00 p.m. EST Public Advisory Number 37 ng National Hurricane Center, sinabing mahina na ang Hurricane Ian na isa na lamang post-tropical cyclone. Ito ay bumabaybay sa bahagi ng Southern Virginia patungo sa east-northeast.

Wala nang dalang banta ang Post-Tropical Cyclone Ian na inaasahang magdi-dissipate ngayong Linggo.

logo
Daily Tribune
tribune.net.ph