Marami na umanong natutunan ang aktres na si Marian Rivera pagdating sa pagiging isang ina at ayon sa kanya, hinahayaan lang nila ng asawa niyang Dingdong Dantes na sumablay at magkamali sa mga bagay-bagay na ginagawa nila sa loob at labas ng bahay ang kanilang mga anak.
Naniniwala ang Kapuso celebrity couple na bahagi ito ng kanilang pagiging bata at siguradong maraming matututunan sina Zia at Ziggy mula sa kanilang pagkakamali.
Ayon nga kina Yanyan at Dong, sa edad ng kanilang dalawang anak, ang kailangan mga ito ay 100 percent support "in order for them to grow and develop at their best."
Sa edad ngayon nina Zia at Ziggy siguradong unti-unti nang nang nagiging independent ang mga ito at mas nagiging observant na sa ugali at kilos ng mga taong nasa paligid nila.
Ayon kay Marian, sinisiguro niya na kapag nagkakamali ang mga anak ay naipapaliwang niyang mabuti kung bakit mali ang nagawa nila at kung paano ito maitatama.
"Ine-explain ko sa kanila what happened and bakit mali iyon. Ipinapakita ko rin sa kanila kung ano ang tama. Kasi 'yung mga bata, natututo at kinokopya 'yung ginagawa ng mga nasa paligid nila. Especially tayong parents, the children copy us. Kaya I teach by example," saad ni Marian
"Pinapalaki ko si Zia and si Sixto with support and encouragement. Pinapabayaan ko silang i-solve nila ang mga challenges nila. Itinuturo ko na okay lang magkamali, ang importante is kapag nagkamali ka, you try again, na they learn from their mistakes," dagdag niya.