Salvage victim lumutang sa ilog

Nakaposas ang mga kamay na nakatali ang isang steel wire na nakagapos din sa kanyang mga paa, nakabalot ng masking tape ang ulo at pihadong pinahirapan bago pinatay ang isang babaeng natagpuang nakasilid sa sako at palutang-lutang sa ilog na sakop ng Malabon, Huwebes ng umaga.

Sa ulat nina PSSg. Michael Oben at PCpl. Renz Marlon Baniqued ng Malabon City Police, ay natagpuan ang bangkay ng hindi pa kilalang babae na hinihinalang biktima ng summary execution sa Tullahan river alas-8:00 ng umaga.

Nangunguha umano noon ng basura ang scavenger na si Alfredo Broa, 73, sa Northern Hills Property Compound, na matatagpuan sa kahabaan ng Industrial Road, Tullahan River, Brgy. Potrero nang mamataan nito ang sako kung saan nakasilid ang katawan ng biktima.

Una pa lamang ay alam na niyang tao ang nakasilid sa sako dahil sa nakalabas ang mga binti nito.

Mabilis niyang ipinagbigay alam sa security guard na nakaduty noon sa lugar, ang insidente na siya naman nagbigay-alam sa Malabon City Police SS1.

Agad ding nagsagawa ocular investigation ang pulisya kung saan ay nakitaan ng mga tattoo sa kanyang kanang binti at kaliwang bisig ang biktima na nakasuot ng itim na sando at brown checkered na short.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa nasabing insidente, gayundin ay inaalam pa ang pagkakakilanlan ng biktima at ng mga nasa likod ng karumal-dumal niyang sinapit na ngayon ay nasa PNP crime laboratory na upang sumailalim sa autopsy.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial