Pia Wurtzbach, HIV awareness ang advocacy

4 days ago

Kamakailan ay dumalo si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach sa pagbubukas ng bagong community hub ng LoveYourself sa Pasay City kasabay ng pagdiriwang sa kaarawan ng matagal na nitong advocate at supporter.

Talagang advocacy na ng beauty queen ang pagsusulong sa mga gawain kaungay ng HIV-AIDS education, prevention, at treatment sa buong bansa. Sinalubong siya ng isang piging at pinaulanan ng mga pagbati nang dumating siya sa bagong LoveYourself Uni sa ikalawang palapag ng Centro Buendia Bldg. sa Gil Puyat Ave. sa Pasay City.

Pinangunahan ni Pia ang ribbon-cutting ng Uni, at sinamahan siya ng mga kinatawan mula sa USAID (United States Agency for International Development) at mga kasapi ng LoveYourself. Bukas ang Uni mula Biyernes hanggang Martes, mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-7 ng gabi, para sa libreng HIV testing, counselling, at HIV-AIDS medication.

Bilang hudyat ng pagbubukas ng nilipatan nitong lugar, at upang ipagdiwang ang kaarawan ng pinakamahalaga nitong celebrity advocate, naglatag ang LoveYourself ng iba’t ibang putahe, na may isang buong lechon pang kasama.

Nakatanggap din si Pia ng maraming birthday cake na ibinahagi niya sa mga boluntir at bisita.

“Birthday ko sa Sabado, at ni-request ko na makasama kayo, at makapag-celebrate ako with my LoveYourself family.

Maraming salamat na na-share ko ang blessings ko with you. Para na kayong pamilya sa akin. And this is a really refreshing way to celebrate my birthday also,” sabi ni Pia.

Naging “productive” din umano ang araw para sa kanya, sapagkat nagpunta rin siya sa National Center for Mental Health at sa San Lazaro Hospital sa Maynila bago tumulak sa Uni, na sinabi niyang “reflects the spirit of LoveYourself.”

“It’s the heart and soul, ang volunteers talaga, kaya bagay na bagay talaga na ginawang sobrang colorful at sobrang ganda.

And really reflects the spirit of the LGBTQ (lesbian, gay bisexual, transgender, and queer) community, so maraming salamat,” saad ng dalaga.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial