Lola kinatay ni totoy

1 day ago

Wakwak ang katawan ng isang lolang walang habas na pinagtataga ng umano’y “flip” na apo sa Guinobatan, Albay, nitong Miyerkules.

Kinilala ang nasawi na si Flora Lucena Ordoño (65) habang agaw-buhay naman ang anak nitong si Nida Ordoño Timkang (34) sa ospital.

Isinuko naman ng kanyang ama ang suspek na si Gilberto Ordoño Guiriba (23).

Sa ulat ng Guinobatan Municipal Police, umaga nang naganap ang insidente sa labas ng bahay ng matandang Ordoño.

Ayon sa salaysay ni Nida sa pulisya, nakita umano niya si Gilberto na may bitbit na bolo at walang ano-ano’y inatake nito ang kanyang ina na pinagtataga sa kamay, braso at ulo.

Mabilis naman niyang nilapitan ang suspek para awatin subalit maging siya ay pinagtataga rin nito sa katawan.

Sa kabila ng mga sugat na tinamo ng lola ay nagawa pa rin nitong makatakbo papasok sa kanyang bahay pero hinabol pa rin siya ng apo at, nang maabutan ng taga ay halos matanggal na ang braso ng matanda.

Nang makitang hindi na gumagalaw ang matanda ay agad ding tumakas ang suspek.

Dead on arrival ang lola sa ospital.

Aminado naman ang ama ng suspek na may problema umano sa pagiisip ang anak at madalas na umano itong sinusumpong nitong mga huling araw.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial