Higpitan ang labanan

By TDT

September 23, 2022

Habang patuloy na tumataas ang presyo ng krudo at ng ilang mga pangunahing bilihin, wala nang ibang magawa ang sambayanan kundi ang maghigpit pa ng sinturon kung gusto nilang kahit paano ay makaluwag sa buhay.

Pero mukhang itutusok sa isa pang butas ang sinturon ng mga Pilipino ngayong nakaamba na ring tumaas ang singil sa pasahe sa ilang uri ng public transportation na magsisimula sa October 3.

Magiging P12 na kasi ang base fare o pamasahe sa unang 4 kilometro sa tradisyunal na jeep, habang nasa P13 hanggang P15 naman ang magiging base fare sa airconditioned at regular buses sa unang 5 kilometro, at nasa P45 ang flagdown rate ng mga taxi.

Inaantabayanan naman ng grupo ng UV Express kung aaprubahan ng gobyerno ang kanilang petisyon para sa dagdag-pasahe.

Ayon kay Alliance of UV Express Association Secretary George Jalandoni, nakapagsumite na sila ng petisyon at sumalang na ito sa pagdinig ng LTFRB en banc, dalawang linggo na ang nakaraan.

Hirit ng grupo ang P1 dagdag-singil sa kada kilometro mula sa kasalukuyang P2 kada kilometro.

“Sa ngayon bukod po sa pandemya, sumabay pa po ‘tong lahat including the inflation, dollar, et cetera so ang pinakaano rin po talaga is yung krudo po talaga,” sabi ni Jalandoni.

“Sana’y maintindihan n’yo rin po kami dahil ito naman po ay maibabalik sa inyo sa pamamagitan ng serbisyo,” dagdag niya.

Hindi na talaga maiiwasan ang pagtaas ng halos lahat ng presyo dito sa bansa, kaya kailangan ng ibayong pagtitipid ang gawin ng lahat upang makaraos sa araw-araw.

Sana lamang ay ayusin na ng pamahalaan ang kanilang mga plano upang matulungan ang sambayanan na maibsan ang hirap na kanilang nararanasan.

Hindi na biro ang panahon ngayon, kaya pagtutulungan ang ating kailangan upang makaalpas na tayo sa mga problemang ito.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial