8K NA TRABAHO, BAKANTE!

Photo courtesy | Department of Tourism – Philippines

September 23, 2022

Inihayag ng Department of Tourism na aabot na sa 8,000 bakanteng trabaho ang sinusubukang mapunan sa industriya ng turismo ngayong unti-unti nang lumuluwag ang pagbiyahe.

Ayon sa DoT, halos isang milyong empleyado ng tourism industry ang apektado sa pagsasara ng maraming kumpanya bunsod ng COVID-19 pandemic nitong nakaraang dalawang taon at ang iba sa kanila ay hindi na bumalik sa kanilang trabaho.

Ang iba naman ay nakahanap na umano ng ibang mapagkakakitaan, kaya ngayong tinatayang aabot sa limang milyong foreign tourists ang inaasahan, nagkukumahog ang sektor na mapunan ang pagkukulang sa empleyado.

“Noong muling nagbukas ang tourism industry, isa sa challenges ay ‘yong accomodations in particular. Nahirapan silang kunin ulit ang kanilang mga workers,” saad ni Tourism Assistant Secretary Maria Rica Bueno.

“’Yong iba nakapag-work na sa ibang sektor. Mayroon din ‘yong naka-setup na ng negosyo,” dagdag niya.

Dahil dito, nagkasa ang DoT ng mga job fair sa Metro Manila, Cebu at Davao.

Tatakbo ang job fair mula Setyembre 22 hanggang 24 sa SMX Convention Center sa Pasay habang Setyembre 22 hanggang 23 naman ang job fairs sa SM City Cebu at Abreeza Mall Davao.

Karamihan sa mga hinahanap na empleyado ay para sa mga hotel, restaurant, resort, casino, airport ground handling service, transport service at manpower service.

Ilan sa top vacancies ang customer service representative, language teacher, equipment operator, tour driver at conductor, at service crew.

Ayon sa DoT, magkakaroon muli ng mga job fair sa mga susunod na buwan.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial