Sundalo tinadtad ng bala

Isang sundalo ang patay matapos na tadtarin ng bala ng hindi pa nakikilalang salarin sa labas pa mismo ng kanilang tahanan nitong Lunes ng madaling-araw sa Parang, Maguindanao.

Kinilala ang biktimang si Corporal Al Muiz Dima, nakatalaga sa Intelligence and Security Unit ng Philippine Army Intelligence Regiment at residente ng Barangay Magsaysay.

Sa ulat ng Parang Municipal Police Station, ay ala-1:00 ng madaling araw nang mangyari ang insidente.

Ayon sa mga kaanak ng biktima ay nakarinig umano ng ingay ng tila may tao sa labas, ang biktima kaya agad niyang inusisa kung ano iyon.

Paglabas niya ay bigla na lamang siyang binulaga ng hindi pa nakikilalang suspek na armado ng .40 caliber na baril saka walang habas na pinaulanan ng bala na ikinatama nito sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, dahilan ng agaran niyang pagkasawi.

Agad ding tumakas ang suspek matapos na masigurong patay na ang biktima, sakay ng isang motorsiklo patungo sa hindi na nalaman pang direksyon.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa nasabing pagpatay.

Gayundin ay inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng suspek at kung anong motibo nito.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial