Dagdagan pa

By TDT

5 days ago

Ngayong malapit na rin ang implementasyon ng full face-to-face classes sa bansa ngayong Nobyembre, nagsisimula na rin ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Kamaynilaan bunsod sa kakulangan ng mga public utility vehicles at mga rutang hindi pa rin nabubuksan.

Nitong nakaraan ay inamin naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi sapat ang higit 100 ruta binuksan nila noong balik-eskuwela kaya inaasahang dadagdagan pa nila ito sa mga susunod na buwan.

Sa katunayan, ngayong linggo’y plano ng LTFRB an magbukas pa ng higit 50 ruta sa Metro Manila.

“Kasi ‘yong unang inilabas namin, ‘yong more than 100 routes, it’s just to address ‘yong pag-open ng classes noong August 22,” sabi ni LTFRB chairperson Cheloy Garafil.

“Noong tinitingnan namin, kasi continuous naman ‘yong pag-aaral namin sa mga ruta, marami pang displaced. Marami pang public utility vehicle operators at driver na hindi nakakapasada,” dagdag pa niya.

Ayon naman sa ilang mga jeepney drivers, hindi lang taas-pasahe ang solusyon sa kanilang mga problema sa hanapbuhay, lalo’t wala sila halos maisakay dahil sa paputol-putol na ruta.

Ramdam na ng mga pasahero sa rutang Antipolo-Cubao ang putol-putol na ruta, na anila’y nagiging sanhi ng dagdag-gastos dahil napapadami pa sila ng sinasakyan.

“Sasakay ng jeep tapos tricycle. Mahirap maghanap tapos ‘yong ibang tricycle overprice ang sinisingil sa’min,” sabi ng ilang commuter. “Minsan nagkukulang ang baon dahil sa taas ng singil.”

Sa susunod na buwan, inaasahang magiging epektibo ang taas-singil sa pasahe ng halos lahat ng pampublikong transportasyon.

Dapat talagang dagdagan na ng LTFRB ang mga ruta upang sa ganoon ay dumami na rin ang makakabiyaheng mga public utility vehicles.

Kailangang magtulungan ng lahat upang masigurong sabay-sabay na malulutas ang mga problema.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial