Paggunita sa Martial Law, idinaan sa misa

Isang misa ang ginanap sa Ateneo de Manila University nitong nakaraan lamang upang gunitain ang Martial Law sa ilalim ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. ilang araw bago ang mismong ika-50 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar.

Sa kaniyang homily, hinikayat ni Fr. Noel Vasquez SJ ang mga estudyante na isabuhay ang pananampalataya at hustisya at ito ay sa pamamagitan aniya ng pagkiling ng saloobin o diwa sa mga mahihirap o preferential option for the poor, pagsali sa mga organisasyon na tumutulong sa mga mahihirap, at pag-alam kung bakit marami ang naghihirap.

Ayon pa sa pari, hindi umano mahalaga sa Panginoon kung saan nagtapos o ano ang tinapos ng isang tao kundi kung ano ang nagawa nila para sa ibang taong nangangailangan.

Nagpaalala si Vasquez na totoong nangyari ang martial law at hinikayat ang mga Atenista na gamitin ang kanilang mga talento at ang social media para ipakalat ang katotohanan.

“There is revisionism of history. Para ba gang hindi nangyari ang martial law. There’s a lot of falsehoods being spread around. Nangyari ang martial law. Marami ang namatay,” ani Vasquez.

Ipinagdiriwang tuwing Setyembre 21 ang anibersaryo ng Martial Law declaration dahil iyon ang petsa noong 1972 nang pirmahan ni Marcos Sr. ang Proclamation No. 1081.

Maraming human rights violation at korapsyon ang naiulat noong naturang panahon, na tumagal hanggang Enero 1981. Hanggang sa kasalukuyan, marami pa rin ang humihingi ng hustisya para sa mga na-torture, nawala, nakulong, at napaslang noong Martial Law.

Kasalukuyang nakaupong pangulo ng Pilipinas si Ferdinand Marcos Jr., anak ng dating diktador.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial