‘Rat to cash’ program inilunsad

Inilunsad ng local government ng Marikina City ang isang programang naglalayong mapigilan ang pagkalat ng leptospirosis sa lungsod.

Sa ngayon, higit 1,000 daga na ang nahuli sa lungsod ng Marikina kasunod ng paglunsad ng “rat to cash” program kung saan P200 ang bayad ng lokal na pamahalaan sa mga residenteng makakapagdala sa kanila ng daga na may timbang na 150 gramo pataas.

“Kahapon, naka 1,700 na daga ang nabilang namin na nahuli at nai-dispose properly,” sabi ni Marikina Mayor Marcy Teodoro sa isang panayam.

“Kahapon, ang binayaran namin doon sa palit ng cash…umabot kaming P300,000,” dagdag pa niya.

Ayon sa alkalde, may tatlong kaso ng leptospirosis ngayon sa Marikina pero hindi sa kanilang bayan nakuha ng mga pasyente ang kanilang sakit.

“Dalawa dito ay construction worker, bumaha doon sa lugar na pinagtatrabahuan at yung isa, factory worker,” sabi ni Teodoro at dagdag niya, patuloy ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang pagbabaha sa kanilang lungsod.

“Ang maganda lang nangyayari ngayon, dahil nga may dredging kami sa Marikina River, ginagawa namin, buhat pa nung Ulysses, tuloy-tuloy, at pinalaki namin yung drainage system namin, ay walang reported flooding nitong nakaraan buwan.”

“Kaya talagang yung long-term solution, at yun yung tinututukan namin, ay yung maiwasan yung baha. Tsaka yung kalinisan ng lugar,” sabi pa niya.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial