BAGONG BILYARAN, NI-RAID!

September 16, 2022

Isang bagong bukas na bilyaran sa Sto. Tomas, Batangas ang sinalakay ng mga otoridad dahil umano sa hindi pagsunod sa health protocols ng mga miron na nanonood habang naglalaro ang bisita nilang si billiards legend Efren ‘Bata’ Reyes.

Ayon sa mga paunang ulat, Martes ng gabi nang mangyari ang raid sa bilyaran na matatagpuan sa Barangay San Pablo at ayon sa impormasyon ay nakatanggap ng balita ang mga pulis na hindi nasusunod COVID-19 health protocols sa labas ng bilyaran.

Nakita umano na nagkukumpulan ang mga tao habang naglalaro si Reyes.

Pero nang isagawa ang pagsalakay, natuklasan na rin ng mga awtoridad na may nangyayari umanong pustahan at nakumpiska ng mga pulis ang nasa P14,000 na perang pangtaya umano sa pustahan.

Nilinaw naman ng mga awtoridad na hindi alam ni Reyes ang nangyayaring pustahan at pinauwi rin ang billiard legend matapos na maimbitahan sa police station.

Ipinaliwanag naman ni Police Leiutenant Colonel John Eric Antonio, OIC, Sto. Tomas City Police station, na bahagi ng kanilang proseso na kapkapan ang mga tao sa mga isinagawang operasyon para tiyakan na wala itong kontrabando.

Umabot naman sa 19 katao ang inaresto, kabilang ang isang menor de edad, na mahaharap sa reklamong paglabag sa illegal gambling.

Ayon sa pulisya, nandoon lang sa bilyaran si Reyes bilang panauhin sa pagbubukas ng naturang establisimyento.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay kasama si Reyes sa mga dinala sa isang barangay hall sa San Pedro City, Laguna, matapos na lumabag umano sa health protocols habang naglalaro din ng bilyar.

“Gunun din doon, yung mga tao ayaw papigil. Distance naman yung gusto nila maglayo-layo, ayaw nilang papigil. Lalong dumadami, nagalit yung ano… yung mga pulis,” sabi ni Reyes sa isang panayam.

Sinabi rin ni Reyes na mag-iingat na siya sa mga susunod na mag-iimbita sa kaniya.

“Hindi naman nawawalan talaga ng maraming tao, player nila magaling pa, pumupusta yung mga tao. Kami naman, hindi naman eh, bayad nga ako doon. Papaalam na lang sa munisipyo kung puwede, kung paano makakapaglaro kami kahit maraming tao. Dapat ipaalam ng mga organizer,” dagdag niya.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial