Malaking lugi

By TDT

September 15, 2022

Habang patuloy na nagtataasan ang presyo ng mga pangunahing bilihin at ilan pang mga pagkain, patuloy pa rin ang kalbaryo ng mga magsasaka na talagang hirap nang makabangon.

At nitong nakaraan, dumaing na rin ang mga magsasaka ng bawang sa Lubang Island, Occidental Mindoro dahil sa baba ng kanilang benta, kahit pa bagsak-presyo na doon ang produkto.

Ayon sa mga ito, wala umanong pumupuntang trader sa isla para bumili ng kanilang mga bawang.

Sinabi ni Lubang agriculture office head Ellen Morales, naglalaro sa P20 hanggang P40 kada kilo ang native na bawang pero dahil wala ngang bumibili, nagsisimula na umanong mabulok ang mga bawang.
“’Yon na lang binenta ng mga farmer dito kasi walang bumibili, mabubulok na ‘yon,” sabi ni Morales at dagdag niya, sa mga turista na lang umano naibebenta ang mga bawang, na ginagamit panggawa ng mga magagandang disenyong binebenta nang P100 hanggang P150.

“Ginagawa nila decorative. May style nang pagbi-bead para ‘yong mga tourist, magandang pasalubong ‘yon,” saad ni Morales.

Ayon sa opisyal, nasa 10 tonelada pa ng bawang ang hindi naibebenta ng mga lokal na magsasaka.

Nangangamba tuloy si Morales na kakaunti na lang ang magtanim sa susunod na planting season ng bawang dahil sa kawalan ng mga bumibili.

Umapela ang Lubang local government sa Department of Agriculture ng tulong para hindi tuluyang maglaho ang kanilang kabuhayan.

“Suportahan niyo po kami para ‘yong aming naumpisahan na galing namin sa pagtatanim ay maging dire-diretso at makapagpaaral pa rin kami ng aming mga anak,” sabi pa ni Morales.

Kung magpapatuloy nga ito, malaking lugi ang haharapin ng ating mga magsasaka dahil isa ang Lubang Island sa mga kilalang lugar na taniman ng bawang sa Pilipinas. Ang pagtatanim nito ang naging “backbone” ng ekonomiya sa isla.

Sana ay matulungan sila ng gobyerno.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial