NLRC, DoLE, pinagalitan

September 14, 2022

Kinastigo ni Senador Raffy Tulfo ang mga opisyal ng National Labor Relations Commission (NLRC) dahil sa umano’y “mabagal” na pagproseso sa mga reklamo ng mga naagrabyadong empleyado laban sa kanilang employers.

“Yung kasong kaya kong resolbahin sa aking programa ng dalawang araw, bakit inaabot ng dalawang taon sa inyo bago masolusyunan? Pinapatagal ba dahil nag-aaregluhan o nagtatawaran pa?” sabi ng senador sa pagdinig ng Senate Committee on Labor and Employment.

Giit ni Tulfo, ang mabagal na pagresolba sa mga kaso ay nagpapahirap umano sa mga manggagawa.

“Yung iba sa kanila ay nag-a-abroad na. ‘Yung iba naman ay wala nang pamasahe at resources, kaya umuuwi na lang sa kani-kanilang mga probinsya,” sabi ni Tulfo.

Aminado naman si NLRC chairman Gerardo Nograles na may delay sa kasalukuyang proseso nila.

Sinabihan din ni Tulfo ang NLRC na sugpuin ang tumataas na bilang ng fixers sa ahensya.

Dismayado din si Tulfo sa Department of Labor and Employment (DoLE) dahil sa nananatiling mababang pasahod sa mga manggagawa.

“Do you believe na mayroon pa ring nakakatanggap ng P200 at P300 per day? Sila po ang naghihikahos, sila ang kinakawawa ng sistema,” saad ni Tulfo.

Nasa P570 ang minimum wage sa National Capital Region para sa mga trabahador ng non-agriculture sector, habang P533 sa mga nasa agriculture sector.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial