BAGONG MASK POLICY, PINALAGAN!

Inalmahan ng ilang mga doktor at health experts ang bagong executive order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay na boluntaryong pagsusuot ng mask sa mga open spaces at hindi mataong lugar dahil masyado pa umanong maaga upang luwagan ang pagsusuot ng mask sa buong bansa.

Ayon kay Private Hospitals Association of the Philippines President Dr. Jose Dr Grano, bagama’t nasa low-risk na ang mga ospital ay umaabot pa rin sa 2,000 hanggang 3,000 ang kaso ng COVID-19.

Dagdag pa niya, hindi pa umano kasama rito ang mga nagpapa-test sa bahay gamit ng mga self-test kit na hindi na kumukuha ng RT-PCR test at naniniwala rin siya na posibleng magpataas ulit ng kaso ang pagluluwag sa mask policy lalo’t ang sinasabing “wall of immunity” ay para lang sa primary doses.

Para sa PHAPI, dapat ibalik ang mask mandate oras na tumaas ulit ang mga kaso.

“Kahit nga po noon na di pa voluntary yan, marami nang di nagwe-wear ng mask. Ngayon po malakas na ang loob kasi pinapayagan na sila. May posibilidad po na maging carrier sila at madala nila sa kanilang mga bahay itong impeksyon na ito, malaki po at pwedeng kumalat lalo,” sabi ni De Grano.

Giit pa niya, dapat din may booster doses na ang publiko.

Samantala, sinabi naman ni Philippine College of Physicians immediate past president Dr. Maricar Limpin na hindi pa napapanahon para tanggalin o gawing opsyonal ang pagsusuot ng face mask sa outdoor areas.

“Definitely this is not the right time na gawing optional dahil number 1 nakikita naman natin na medyo umaakyat ang COVID sa ating bansa and ito ay including yung mga number ng mga pasyente na nakikita namin sa ospital at na-admit sa mga ospital,” sabi ni Limpin.

“And number 2, yung the biggest factor dito ay yung mababang vaccination rate,” dagdag niya.

Maging ang ilang pediatrician gaya ni Dr. Anna Ong Lim, pinayuhan ang mga magulang na pagsuotin pa rin ng face mask ang mga anak sa labas, lalo na ngayong nagsisimula na ang in-person classes.

“Although nandito na nga tayo sa sitwasyon when we are already thinking about resuming some of previous behavior hindi pa rin naman nawawala yung COVID and tandaan din natin na karamihan sa mga kabataan ay hindi bakunado,” saad ni Ong-Lim.

“So kung may kakapitan maaaring sila talaga yun kasi sila yung tinatawag na susceptible and vulnerable population,” dagdag niya.

Kung matatandaan, inaprubahan ni Marcos ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask pagdating sa open at non-crowded outdoor areas na may sapat na bentilasyon, sa bisa ng Executive Order no. 3.

Napagdesisyunan ang polisya dahil malapit na umanong maabot ng Pilipinas ang “wall of immunity” kontra COVID-19.

Ipapatupad agad ang EO oras na mailathala ito sa Official Gazette, ayon sa Malacañang.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial