Motor vs kalabaw: 1 patay

September 13, 2022

Isang guro ang patay habang malubhang sugatan ang rider ng motorsiklo na kanilang sinasakyan matapos na sumalpok ito sa isang kalabaw na umano’y nakawala sa Brgy. Nasiping, Gattaran, Cagayan, nitong Linggo.

Sa ulat ng Gattaran Police, hatinggabi nang maganap ang insidente sa isang kalsada sa Brgy. Nasiping.

Galing umano sa Tuguegarao ang nasawing kinilalang si Cherie Mae Gaspar, back rider habang ang inaangkasan motorcycle rider naman ay si Jade Efraim Cristobal.

At, dahil madilim at itim ang kulay ng kalabaw, hindi agad napansin ni Cristobal ang pagtawid nito, dahilan upang sumalpok sila dito.

Sa lakas ng impact ay tumilapon ang mga biktima mula sa kanilang sinasakyan, kung saan bumagsak ng alanganin ang guro na agad nitong ikinasawi.

Sugatan naman ang rider na patuloy pa ring nilalapatan ng lunas sa pinadalhang pagamutan.

Napag-alaman mula sa mga kaanak ni Gaspar na  galing umano sa paaralan na kanyang pinapasukan sa Tuguegarao ang biktima at inabot ng gabi bago nakauwi dahil sa malakas na paguulan.

Kasalukuyan na ring hinahanap ang may-ari ng nakawalang kalabaw na himalang nabuhay, para makahingi ng tulong dito kahit papaano.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial