COVID CASES SA NCR, TUMATAAS

September 12, 2022

Nababahala ngayon ang ilang mga health experts sa naitatalang unti-unting pagtaas ng bilang ng coronavirus disease (COVID-19) cases sa National Capital Region kahit pa nagkaroon nang pagbaba ng ng kaso ng nakamamatay na sakit noong nakaraang buwan.

Ayon sa OCTA Research Group, tumaas ang growth rate o bilis ng pagdami ng mga kaso sa 6 porsyento, mula Setyembre 3 hanggang 10. Nasa -17 porsyento na lang ang growth rate, o bumaba, noong Agosto 27 hanggang Setyembre 3.

Pumalo rin sa 13.3 porsyento ang positivity rate mula nitong Setyembre 9, mula sa 12.1 porsyento noong Setyembre 2.

Muli ring tumuntong sa 1 ang reproduction number, o bilang ng nahahawa ng bawat positibo sa COVID-19, na indikasyong tumataas ang hawahan. Nasa 1.11 na ang reproduction number nitong Setyembre 7, mula sa 0.93 noong Agosto 31.

Pero kahit ganoon ay nananatili pa ring low-risk ang rehiyon na may average daily attack rate na 5.58 o bilang ng nagkakasakit sa kada 100,000 populasyon kada araw at nananatili ring mababa ang hospital bed occupancy na nasa 34.5 porsyento at intensive care unit na nasa 28.9 porsyento.

Paliwanag ng OCTA, inaasahan na ang pagtaas ng mga kaso dahil sa pagtaas ng mobility pattern ngayong nagbalik na ang in-person classes.

“NCR is having a slow uptick in Covid cases. This is not unexpected given the increased mobility of the population,” saad ng OCTA. “The vulnerable sector – the elderly and those with comorbidities — are advised to take extra necessary precautions.”

Sa projection ng Australian Tuberculosis Modeling Network noong Setyembre 2, sinabi ng Department of Health na posibleng umabot ng hanggang 5,000 ang mga bagong kaso ng COVID-19 kada araw sa National Capital Region kung magpapatuloy na mababa ang pagtanggap ng mga tao sa booster shot.

Mas mababa na sa 1,000 ang mga arawang kaso sa NCR nitong nagdaang linggo, maliban nitong Sabado na umabot na sa 1,220.

“Kung magtutuloy-tuloy ‘yung ating mga booster slow uptake at saka ‘yung ating pagbabakuna sa mga nakatatanda, at wala namang bago pang variant na lalabas, and the mobility remains to be at this level, we might be seeing around 1,259 to 5,375 cases per day. This may start, start of October and puwede itong magtuloy-tuloy,” saad ni DoH officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Umabot pa lang sa 27,907 na mga senior citizen ang nabakunahan ng booster shot sa ilalim ng “PinasLakas” campaign na may 1.07 milyon na target at nasa 2,411,073 naman ang nakatanggap ng booster sa general population, malayo sa 23 milyon na target.

Muling humiling ang DoH ng pakikisa ng publiko para maiwasan ang pagkalat ng virus.

“’Yung COVID-19 virus ay mananatli kasama natin. Hindi po siya basta-basta mawawala na lang sa hangin at hindi na natin mararamdaman. It’s going to stay with us,” saad ni Vergeire. “’Pag sinabi nating marunong mamuhay kasama ang virus, alam natin how to protect ourselves.”


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial