Chanty, namiss ang Pilipinas

September 12, 2022

Aminado ang Filipina-Argentinian member ng K-pop all-female group na Lapillus na si Chanty na talagang namiss niya ang bansa at napaiyak rin siya ng alalahanin niya ang mga panahong nagsisimula pa lang siya sa ABS-CBN.

Naging emosyonal ang dalaga nang mapanood ang video clip ng mga naging kaganapan sa kanyang career sa guest appearance niya sa “Piegalingan” ng PIE Channel.

“Na-touch ako, grabe! Super na-touch ako kasi ‘yun nga, ang dami kong na-experience dito sa ABS-CBN. Super grateful ako sa lahat nang natutunan ko rito and dahil sa experience ko dito, nadala ko siya sa Korea,” sabi ni Chanty.

Dagdag niya, ang lahat ng naging experience niya noon sa Kapamilya network ang nagsilbing foundation niya para magpursige at karirin ang training niya sa Korea para maging K-Pop idol.

“Iyon ‘yung nagbigay sa akin ng strength and ng motivation to keep going kasi sobrang hirap talaga ang training sa Korea nung time na ‘yun especially hindi ko rin alam kung ano ‘yung magiging reaction.

Like how it is going to go after our debut or magde-debut talaga ako so super nag-risk ako and yeah super grateful ako. Na-touch ako nakita ko ‘yung sarili ko,” sabi ng dalaga.

Samantala, tuwang-tuwa at feeling blessed ang K-Pop star na nabigyan siya ng chance para makauwi muli ng Pilipinas makalipas ang dalawang taon.

Kasama niyang nagtungo sa bansa ang iba pang members ng Lapillus na sina Bessie (Korean), Seowon (Korean), Haeun (Korean), Shana (Japanese), at Yue (Chinese-American).

“Hindi ako makapaniwala kasi two years na since bumalik ako dito so parang feeling ko nananaginip ako at ang sarap sa tainga pagdating namin sa airport Tagalog ‘yung naririnig ko,” sabi ni Chanty.

“Super grateful ako and humbled kasi paglapag na paglapag namin dito ang aming mga fans ang positive nang pag-welcome sa amin,” dagdag niya.

Sabi pa ni Chanty, talaga raw na-miss niya ang pagkaing Pinoy, “Pinakbet, daing, ‘yung mga ganu’n, champorado, langka, ‘yung mga ganyan.”

Nito lamang nagdaang June nang maging certified K-pop idol si Chanty sa pamamagitan nga ng grupo nilang Lapillus kasabay ng paglabas ng music video nila para sa kanilang debut single n “Hit Ya”.

Narito ngayon ang Lapillus para sa kanilang fan meet at ilang guest appearances sa mga TV shows sa iba’t ibang network.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial