Bigyan ng proteksyon

By TDT

September 11, 2022

Hindi maikakailang isa sa mga nagiging problema ng ating mga kababayan sa ibang bansa ay ang sexual harassment at nitong mga nakaraan ay may mga naiuulat na kasing mga insidente ng sexual harassment na ang nagiging biktima ay ang mga overseas government personnel.

Nitong nakaraan lamang ay nanawagan na si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople sa mga mambabatas na palawakin ang sakop ng batas laban sa sexual harassment para maisama ang lahat ng overseas government personnel.

Ibinahagi ni Ople ang kanyang saloobin sa organizational meeting ng Senate Committee on Migrant Workers Affairs o COMWA at ayon sa kanya, iba-ibang kaso ang nahawakan niya bilang isang migrant workers’ advocate patungkol sa diplomatic officials at iba pang kawani ng gobyerno sa labas ng bansa na nagsamantala sa mga Pilipinang domestic worker na nagpasaklolo sa mga Embahada.

“May mga instances po noon na nababalitaan namin na nilalabas ng overseas personnel ang wards para makipag-date kaya sa DMW mahigpit po ang aming policy against sexual harassment,” sabi ni Ople.

Ayon pa sa DMW, inihalimbawa ng Kalihim ang kaso ng isang ambassador na nakasuhan ng sexual harassment ng isang domestic worker sampung taon na ang nakakaraan. Ang nasabing kaso ay naresolba lamang noong nakaraang buwan kung saan pinagmulta ang sangkot na ambassador na isa ng retirado.

“Second year high school lang ang tinapos nung domestic worker at kinuha siya sa shelter para maging kasambahay nung ambassador kaya clearly very vulnerable ang katayuan niya,” dagdag niya.
Ang bulnerableng katayuan ng mga manggagawang Pilipino sa labas ng bansa ang nais mabigyan ng proteksyon ng DMW.

“Sana po palawakin po ang coverage ng anti-sexual harassment law para maisama ang lahat ng government employees assigned sa iba’t ibang bansa mula sa ambassador hanggang sa mga drivers at local hires,” saad ni Ople.

Sana nga ay mapagbigyan ang kahilingan ng DMW na mapalawak ang batas upang maprotektahan ang ating mga kababayan sa ibang bansa. Hindi biro ang kanilang ginagawang sakripisyo.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial