QUEEN ELIZABETH II, PUMANAW NA

September 10, 2022

Matapos maiulat na humina na ang kanyang kalusugan, pumanaw na ang Reyna ng Britanya na si Queen Elizabeth II Biyernes ng madaling araw sa Pilipinas sa edad na 96. Ang panganay niyang anak na si Prince Charles ang magiging bagong hari, na tatawaging si King Charles III.

“The Queen died peacefully at Balmoral this afternoon,” saad ng Buckingham Palace sa isang pahayag.

Si Queen Elizabeth II ang pinakamatagal na nanungkulang monarch ng Britanya, na naupo sa trono sa loob ng pitong dekada.

Kung matatandaan, noong nakaraang taon ay inanunsyo ng Buckingham Palace na may problema na sa kalusugan si Queen Elizabeth, na inilarawan bilang “episodic mobility problems” o hirap sa pagkilos.

Nang mabalitang nanghihina na ang reyna ay agad na pumunta ang mga anak ni Queen Elizabeth II ang kanyang mga anak sa Balmoral Castle kabilang ang tagapagmana ng trono na si Prince Charles at panganay nitong anak na si Prince William.

Ilang oras matapos ang pagbisita, inanunsyo ng Buckingham Palace na pumanaw na ang reyna.

Si Queen Elizabeth II ay isinilang noong Abril 21, 1926 at itinanghal na reyna noong 1952 kung saan 25-anyos lamang siya.

Sa ilalim ng kaniyang panunungkulan, nakatrabaho ni Queen Elizabeth II ang 14 punong ministro at nitong nakaraan pa nga ay itinalaga niya ang ika-15 punong ministro sa kaniyang panunungkulan bago mamaalam.

Ipinagdiwang ni Queen Elizabeth II ang kaniyang ika-70 taon sa trono nitong Hunyo 2022.

Pero sumunod nito, huminto na ang reyna sa kaniyang mga tungkulin dahil sa kondisyon sa kalusugan.

Patuloy na bumubuhos ang pakikiramay sa royal family.

Nagbigay din ng tribute ang lider ng iba’t ibang bansa kabilang ang France, New Zealand, Amerika at Canada.

Samantala, si Prince Charles na ang bagong hari ng Britain, na tatawaging si King Charles III.

Sa edad 73-anyos, siya ang magsisilbing head of state at pangungunahan ang 14 teritoryo ng Britain. Ang asawa niyang si Camilla ang magiging Queen Consort.

Sa isang pahayag, sinabi ni King Charles III na pinakamalungkot na yugto ng kaniyang buhay ang pagpanaw ng kaniyang inang si Elizabeth II.

“We mourn profundly the passing of a cherished Sovereign and a much-loved mother. I know her loss will be deeply felt throughout the country, the Realms and the Commonwealth, and by countless people around the world,” sabi ni King Charles III.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial