IBIGAY NA ANG ONE COVID ALLOWANCE!

Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang panawagan ng ilang mga nurses at mga health workers na sana ay maibigay na sa kanila ang kanilang One COVID Allowance (OCA).

Sinabi ni Jose Reyes Memorial Medical Center Employees Union president Cristy Donguines, ang kanilang mga benepisyo ay naisama na sa pambansang budget ngayong 2022.

“Alam naman po natin talaga itong budget na ‘to sa mga benepisyo ngayon ay nakapasok na sa General Appropriation Act so ibig sabihin national budget na po siya,” saad ni Donguines.

“Pero hindi po namin alam kung bakit kailangan pa rin po nila manghingi ng budget, sa anong kadahilanan? Nasaan po yung pondo?” dagdag niya.

Iginiit rin ng pangulo ng unyon na marami pa ring mga nurse sa mga pampublikong ospital ang hindi nakatatanggap ng kanilang benepisyo.

“Ang mga government-owned and controlled corporation hospital po natin ang natatanggap lang po nila, lalo sa One COVID Allowance po na ipinangako nila sa atin, ang mga GOCCs nakatanggap hanggang, meron pong nakatanggap hanggang March. Yung iba po, masaklap, hanggang January pa lang,” sabi ni Donguines.

“Ang pinakamasaklap po sa lahat yung mga LGUs po natin na wala talaga silang natatanggap kahit singkong duling,” dagdag niya.

“Sa amin naman po, mga under, retained hospital po ng Department of Health po, ang natanggap po namin ay hanggang June. Pero September na po ngayon, wala pa rin po yung ipinangako nila sa amin na kakulangan. At the same time, yung Health Emergency Allowance po na back pay po namin mula July 2021 hanggang December 2021 po ay lumulutang pa rin po sa hangin,” sabi pa ni Donguines.

Nitong Lunes, nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang health worker sa tapat ng DoH para ipanawagan ang pagbibigay ng kanilang allowance.

Sinabi naman ng DoH na sinusubukan na nilang gawan ng paraan ang agarang pabibigay ng mga allowance.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial