Hating opinyon

Nagdulot ng palitan ng iba’t ibang opinyon ang inanunsyong rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force na gawin na lamang opsyonal ang pagsusuot ng mask sa mga open areas at hindi masyadong mataong lugar.

May ilan na nagsasabing napapanahon nang alisin ang protocol na may kaugnayan sa pagsusuot ng mask pero may mga gumigiit rin na hindi pa kailangang alisin ang nasabing protocol dahil nariyan pa rin ang banta ng COVID-19 pandemic.

Isa si Philippine College of Physicians Immediate Past President Dr. Maricar Limpin na nagsabing nakakabahalang luwagan ang pagsuot ng mask dahil mababa pa ang booster rate ng bansa.

Dagdag pa niya, dapat mas palakasin pa ang kampanya sa pagbabakuna lalo na sa pagbo-booster shot lalo’t hindi nagkokonek ang isinasagawang “PinasLakas” campaign sa publiko at kung sakali umanong irerekomendang hindi na magsuot ng mask sa labas, mas mahihirapang makumbinse ang mga taong magpabakuna at mas mahihirapan ang gobyernong kumbinsehing bumalik sa pagsusuot ng mask kung tumaas muli ang kaso.

“Medyo nakakabahala, kasi syempre alam namin na mababa pa ang booster rates natin ngayon napakababa pa talaga and alam naman din natin na yung policy na ito yung allowing yung pag-alis ng face mask ay maaaring it will encourage complacency doon sa mga health protective measures natin,” sabi ni Limpin.

Samantala, sinabi naman ni infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na mas mainam kung uutay-utayin ang pagpapatupad nito at hindi pa umano napapanahon ang pagluluwag sa buong bansa bagama’t pababa ang COVID-19 cases.

Suportado naman ni Go Negosyo founder Joey Concepcion ang panukala — pero aniya ay dapat gawing mandatory ang face mask sa mga weorkplace at mga partially enclosed spaces maging sa mga pampublikong sasakyan.

“It’s been so many years already and you can see people, Philippines, people are quite careful already, cause they have seen it, while omicron is mild, they still want to protect themselves so they don’t get sick and if they do get sick then baka maubos yung sick leaves nila,” sabi ni Concepcion.

“Optional use of face mask for outdoor I think is fine and I think you can see very clearly that people are already you know conscious about the risk,” dagdag niya.

Mas makabubuti sigurong himayin muna ang isyu kaugnay sa pagsusuot ng masks, dahil kung ang mga eksperto ay hati ang pananaw sa panukalang ito, mas nalilito na rin ang mga ordinaryong mamamayan kung anong protocol ang susundin.

Pero mas maganda sigurong panatilihin muna ang pagsusuot ng mask sa labas, dahil hindi pa rin talaga nawawala ang banta ng pandemya sa bansa.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial