Zeinab Harake, hindi maka-move on?

Simula umano nang maghiwalay sila ni Skusta Clee, inamin ng vlogger at social media influencer na si Zeinab Harake na araw-araw siyang umiiyak at sa katunayan, naisip niyang ibenta ang bahay niya noong mga panahong wasak na wasak siya nang magdesisyon na siyang hiwalayan ang rapper-songwriter at tatay ng kanyang anak.

Kung matatandaan, Marso nitong taon nang maghiwalay sila matapos silang mabiyayaan ng isang anak. Nakunan ang celebrity mom sa ikalawang baby nila ng rapper matapos umano siyang lokohin ng karelasyon.

Ayon sa dalaga, pakiramdam niya ay hindi niya kakayanin kung palagi na lang niyang maalala ang pagsasama nila noon ni Skusta.

“Kasi talagang dumating yung time na hindi ko kaya, ni pumikit or mag-stay sa room na yun. Hindi ko kaya. Kaya du’n ako sa crib ng anak ko natutulog. Ang tangkad ko pero talagang baluktot ako. Laging masakit ang katawan ko, pero mas pinipili ko du’n kasi yun yung nakapagpagaling sa akin,” saad ng online celebrity sa isang panayam.

“Siguro mga two months ang dilim-dilim talaga. Iyak lang ako nang iyak. Wala akong ginawa kundi ngumalngal,” sabi pa niya,
“Paano ko nalaman na naka-move on na ako? Siguro nu’ng time na nakakatulog na ako sa kuwarto ko. Tapos dumating yung time na okay na, ang saya ko na pala. Sobrang happy and thankful ako ngayon kasi araw-araw gigising ako masaya ako,” dagdag niya.

“Kahit saan ako natutulog sa loob ng bahay ko. Dati, pagpasok pa lang ng gate umiiyak ako, ‘Di ko kaya sa bahay na ‘to!’ Pati yung bahay na yun gusto ko ibenta. Ngayon, hindi na. Bakit ko kailangan isisi yung mga bagay du’n sa ang tagal naman nang nandiyan?” kuwento pa ni Zeinab.

Ayon sa kanya, marami siyang natutunan sa mga nangyari sa kanyang buhay.

“Self, huwag ka na magpapaabuso. Matuto ka magbigay ng limitasyon sa mga bagay-bagay at sa mga taong nakapaligid sa ‘yo. Kasi kaya ka nasasaktan at kaya ka bumabagsak dahil sa mga taong minamahal mo. So ngayon, you can give love pero make sure na mas mahal mo sarili mo,” sabi ni Zeinab.

“Kung halimbawa ma-experience ko siya ulit, alam ko na kung paano ko siya kokontrolin, paano ko siya iha-handle kasi tapos na ako sa kanya,” dagdag niya.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial