Maging responsable

By TDT

September 8, 2022

Ang social media sa ngayon ang pinakamalakas magpakalat ng impormasyon sa mga mamamayan dahil halos lahat ng Pinoy sa bansa ay may access sa internet at doon kumakalap ng mga balita.

Ang mahirap lang, hindi nasisiguro kung ang lahat ng mga balitang naibabahagi sa social media ay totoo o hindi, at hindi rin maikakaila na naglilipana na ang fake news online na nakapagdudulot ng problema.

Nitong nakaraan, nag-viral sa social media ang ilang mga videos na umano’y naaaktuhan na kidnapping at parang apoy na mabilis kumalat ito.

Bagaman ang iba ay may katotohanan, ang iba naman ay pawang gawa-gawa lamang.

Kaya naman nitong Miyerkules ay umapela na ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na mag-ingat sa mga sini-share na post na may kaugnayan sa kidnapping dahil naaalarma ang sambayanan.

Napag-alaman kasi na staged o hindi totoo ang ilang mga kumakalat sa social media na may isang putting van na gumagala at nangunguha ng tao gaya nang naiulat na pagkidnap umano ng isang teenager at batang babae sa Bulacan at Caloocan, ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.

“Ang amin pong paalala ay mag-ingat po tayo sa ating mga isine-share na mga post sa media, particularly sa different social media platform, dahil baka ‘yung iba naman po doon ay hindi totoo,” sabi ni Fajardo sa isang panayam.

Ayon sa PNP, naghahanda na sila ng isang comprehensive report sa mga naiuulat na pangingidnap at pagpatay sa Metro Manila at iba pang mga lugar.

Sa datos ng PNP Anti-Kidnapping Group, 25 sa mga insidente ng kidnapping ang naiulat mula Enero hanggang Hulyo nitong taon at ayon kay Fajardo, naresolba na umano ang mga ito.

Mahalaga ang pagiging responsable sa mga ibinabahagi sa social media at kailangang siguruhin ng publiko na totoo ang kanilang mga sini-share.

Hindi na kasi biro o nakakatuwa ang ganito, dahil nakakadagdag lamang ito sa isipin ng mga mamamayan na hindi na ligtas maglakad sa mga kalsada, hindi gaya nitong nakalipas na anim na taon.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial