Babaeng traffic enforcer, nakaladkad ng bus

September 8, 2022

Iniulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na isang babaeng enforcer nila ang nakaladkad ng isang pampasaherong bus sa EDSA nitong Miyerkules at ayon sa paunang ulat, halos hindi na makatayo ang nasabing enforcer.

Batay sa imbestigasyon, sinita umano ng enforcer – na kinilalang si Leslie Vergara — ang driver ng bus na nakabalagbag sa kalsada at nang hindi ito umusad ay hiningi na ng enforcer ang lisensya ng driver na nakilalang si Allan Reodique.

Pero imbis na ibigay, pinaandar ng driver ang bus kung kaya sumabit ang kaliwang paa ni Vergara at nakaladkad siya.

“Sabi ko, kuya akin na po ‘yung license mo. Kanina pa kita pinapaalis. Tapos biglang may sinasabi po siya na hindi ko maintindihan kasi maingay po,” saad ni Vergara.

“Bigla niya pong pinaandar. Hindi naman kabilisan kaso nakaladkad ako,” dagdag pa niya.

Depensa naman ni Reodique, hindi niya napansin ang enforcer at nakahanda siyang sagutin ang gastusin nito sa pagpapaospital.

“Hindi ko na po siya napansin kasi may pasaherong bumababa, hindi ko naman inabante, gumugulong ‘yung sasakyan… Hindi ko naman po napansin na pinapaalis ako kasi nasa likod siya,” saad ng driver.

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang driver dahil sa aksidente na nagdulot din ng pansamantalang mabigat na daloy ng trapiko sa north-bound lane ng EDSA.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial