Pag-aralang mabuti

By TDT

September 7, 2022

Dahil sa sunod-sunod na nararanasang pagtaas ng presyo ng krudo sa bansa, humirit muli ang ilang mga transport groups nang dagdag-pasahe upang kahit paano ay may kitain pa rin sila sa kanilang mga pagbiyahe.

Pakiwari namin ay matagal nang iminumungkahi ang pagtaas ng pamasahe dahil halos wala nang naiuuwi sa pamilya nila ang mga drayber ng pampublikong sasakyan lalo na ang mga jeepney drivers.

Ayon sa mga ito, halos napupunta na lamang sa krudo ang kanilang pinaghihirapan sa maghapon.

Nitong Martes, inihayag naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pag-aaralan nito ang petisyong dagdag-pasahe ng mga jeepney driver at operator sa bansa.

“Ito hong fare adjustment na hinihingi ng ating mga operators ay pinag-aaralan nang mahusay ng ating ahensya upang maka-arrive sa isang magandang desisyon kasi kita ho natin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis,” sabi ni LTFRB Board Member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes.

“Pero may tinitingnan tayong ibang factors tulad ng magiging epekto nitong pagtaas sa ating mga mananakay at doon sa overall na inflation,” dagdag niya.

Nasa P11 na ang minimum na pamasahe ng mga tradisyunal na jeepney.

Ayon kay Leynes, nakuha na ng LTFRB ang position paper ng National Economic and Development Authority tungkol hirit na fare hike ng mga jeep, pero hinihintay pa rin nila ang pag-aaral tungkol sa panukalang dagdag-pasehe rin ng mga bus, taxi at UV Express.

“Ito hong mga fare hike adjustment na hinihingi ng ating mga petitioners o mga operators, lahat ito submitted na for resolution. Nasa proseso kami ngayon ng board ng pag-e-evaluate kung ano yung talagang pwede nating i-grant na sa mga operator na hindi naman makakasakit nang mabigat para sa ating mga mananakay,” sabi ni Leynes.

Sa ganang amin, kailangan talagang pag-aralang mabuti ang mungkahi ng mga jeepney drivers at operators, dahil siguradong apektado ang sambayanan dito.

Sana ay makita nila ang tinatawag na “balance” kung sakaling payagan ng LTFRB ang proposal na taas-pasahe upang hindi na ito maging dagdag na pahirap pa sa mga mananakay.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial