
Isang matandang lalaki ang patay matapos araruhin ng ambulansya ang sinasakyan nilang e-trike sa La Castellana, Negros Occidental, nitong Lunes.
Kinilala ang nasawi na si Emeterio Ordas, 72, e-trike driver habang sugatan ang 12 anyos na apo na si Julius Ordas, 12, kapwa residente ng parehong lugar.
Nakakulong naman sa La Castellana Municipal Police ang suspek at driver ng ambulansya na kinilalang si Jether Yutob, 44, ng Barangay Camp Clark, Isabela .
Dakong 7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa Hacienda Layagon road, Barangay Lalagsan, La Castellana.
Ayon kay traffic investigator PMSg. Polen Jabagat, ay pauwi na sana ang maglolo sa kanilang bahay habang nakabuntot sa kanilang likuran ang ambulansya nang lalong bigla bumili ang ambulansya at araruhin ang e-trike na sinasakyan ng mag-lolo.
Tumilapon ang mga biktima at nagtamo ng mga malalalang pinsala sa katawan na agad ding naisugod sa pinaka malapit na pagamutan ngunit hindi na rin pinalad pang makaligtas ang matandang Ordas at nasawi kalaunan.
Napag-alaman naman na galing sa paghahatid ng pasyente sa La Carlota City Hospital ang ambulansya at pabalik na sana ito sa Isabela.
Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries at damage to property ang driver nito.