Senior citizen sa Quezon, natagpuang patay

September 4, 2022

Iniulat ng mga otoridad sa Atimonan, Quezon na natagpuang patay ang isang senior citizen sa loob mismo ng kanyang bahay sa Barangay Malusak.

Hinala ng mga pulis, pinasok at pinagnakawan at saka pinatay ng hindi nakilalang akyat-bahay ang senior citizen na kinilalang si Venancio Erne Fajardo at ayon sa mga paunang imbestigasyon, nasa early state of decomposition na nang makita ang bangkay ni Fajardo sa sahig ng kaniyang bahay at natatakpan ng foam pasado alas-10 ng umaga.

Nadiskubre ito matapos magreklamo ang mga kapitbahay dahil sa masangsang na amoy na naggagaling sa bahay ng senior.

Sa inisyal na imbestigasyon, nakita ang mga bakas ng dugo sa sahig at nagkalat din ang mga kagamitan sa loob, indikasyon na hinalughog ang bahay. Bukas din ang back door ng bahay at winasak ang steel grills nito.

Napag-alamang mag-isang naninirahan sa kanyang bahay ang biktima.

Ayon sa mga kapitbahay, huli itong nakitang buhay noong Miyerkules pa ng gabi habang nakikipanood ng TV sa isa sa mga kapitbahay.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya at isinailalim na rin sa pagsusuri ng PNP crime laboratory ang biktima upang malaman ang ikinamatay nito.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial