HAGUPIT NI HENRY!

Ilang rehiyon sa bansa ang nararanasan na ang hagupit ng super-typhoon Henry lalo na sa ilang parte ng Batanes at Cagayan bago ito humina ngayong umaga ng Biyernes.

Ayon sa ilang mga ulat, humahampas ang malalakas na hangin sa mga puno ng niyog sa dalampasigan sa Calayan, Cagayan at nagdudulot na rin ito ng malalaki at malakas na alon sa dagat.

Nakararanas din ng pag-ulan ang Sabtang, Batanes dahil sa bagyo.

Naramdaman din ang masungit na panahon sa Itbayat, Batanes na pinakamalapit sa mata ng super typhoon Henry.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Darwin Alcazar, bandang alas-6:50 ng umaga nitong Biyernes ay nararanasan ang pag-ulan at pagbayo ng hangin.

Pero bahagya na umano itong humina kumpara sa naranasan nilang mas malakas na ulan at hangin bandang alas-2 ng madaling araw.

Tiniyak naman ng mga residente ang kahandaan ng kanilang mga bahay sa epekto ng bagyo.

Inaasahan naman ng Itbayat, Batanes na mas lalakas pa ang inaasahang buhos ng ulan.

“Baka patikim pa lang ‘yun ng bagyong Henry, we are expecting po na may mas malakas pang ulan na darating… Pinapaalala ko sa mga residente ng Itbayat na laging mag-ingat, laging maging handa kasi hindi pa rin natin inaalis ‘yung possibility na pupunta sa atin ‘yung bagyo,” sabi ni Darwin Alcazar.

Tiniyak rin ni National Risk Reduction and Management Council spokesperson Raffy Alejandro na handa na ang national government na magpaabot ng tulong.

“As far as Henry is concerned, ang pinaka-affected lang na area ay itong Batanes at itong Sta. Ana, Cagayan. Siya lang iyong directly affected nitong bagyo. So since August 31 ay tuluy-tuloy iyong ating pagbigay ng mga abiso sa mga LGUs. And so far ay maganda naman ang mga reports na natatanggap natin – lahat po ay nakahanda, lahat po ay nag-a-anticipate dito sa epekto ng bagyo,” sabi ni Alejandro.

Maalaalang bahagyang bumagal at humina ang bagyo, na namataan 365 kilometro mula sa Itbayat, Batanes nitong hapon ng Biyernes.


Read more Daily Tribune stories at: https://tribune.net.ph/

Follow us on social media
Facebook: @tribunephl
Youtube: TribuneNow
Twitter: @tribunephl
Instagram: @tribunephl
TikTok: @dailytribuneofficial